Limang tibok ng puso, iba't iba ang bilis. May mahinahong naghihintay. May masalimuot na bigo sa pag-ibig. May matikas na nagpapahayag ng isang suliraning lipunan. May halos kumawala na sa ribcage bunsod ng matinding disgusto. May kumawala na nga sa ribcage dahil di matanggap ang masaklap na katotohanan. Apat na persona, apat na emosyon. Apat na tibok ng puso. Ang mga ito ay apat lamang sa tunay na kulay ng realidad; tulad ng mga sago. Maraming kulay, makulay ang buhay! O, bitter ka ba kasi pulang sago lang ang nandiyan sa halo-halo mo? Eto, idagdag mo pa ang mga ito. Ingatz, baka mabilaukan. Huling hirit na para sa espesyal na halo-halo namin!
makata, sukat at tugma
Habang Nag-iintay
ni Suzette Dagli
Pinagmamasdan ng mga tao dadaan, lalapit, at lalayo Tanong nila, ano o kaya’y sino ang pinagmamasdan ng litrato.
Mga matang nakatingin saan sa kalawakan, sa kalangitan Nag-iintay, nag-aabang, kailan darating ang tanging inasahan.
Tulad ng isang larawang nalimot araw at mga taon ang inabot bago ang paningin inilibot dito ng ‘sang pusong nakalimot.
Ngunit sa pagdampi ng palad at pagpahid ng luhang nagsiwalat ng lumbay, ng nanghinang pag-asa’t diwa, di na madama ang dapat.
Paghihintay ay nagpapakupas ng kulay, tingkad hanggang lumipas alaalang taglay na kay timyas ng puso, larawang di naligtas.
lipunan, kanser, gamutin
lipunan, kanser, gamutin
lipunan, kanser, gamutin
Iniibig Kita
Junicynth Paula "Jau" Agon
Iniibig kita
Mula pa nang makita
‘Di ang mukha mong kay ganda
Kundi ang ugali mong iba
Iniibig kita
Sa ‘yong galing magbasa
‘Di ng mga libro’t nobela
Kundi ng aking nadarama
Iniibig kita
‘Di dahil kung sino ka,
Kundi dahil kung sino ‘ko
Ngayong puso ko’y sa ‘yo na
Iniibig pa rin kita
Kahit na aking nalalaman
Na puso’y inalay sa iba
At pag-asa ko’y wala na
lipunan, kanser, gamutin
Damdaming Pilipino
ni Joshua Lorraine Soriano
Isang magulong mundo Laging guho, Hindi na nabuo.
Ano ang nakita Ng ating madla Sa mga namamahala?
Isang maagulong mundo Laging guho Ganyan ang politico Sa bansang ito.
verse libre, ekspresyon de libre
SABI-SABI
ni Aja Gulto
Sabi ni Pareng Webster:
Politics (pol’i tiks), n. (used with a sing. or pl. v.)
1. the science or art of government.
2. political affairs, methods or opinions.
3. the use of strategy or intrigue in obtaining power of status.
Politician (pol’i tish’en), n.
a person who is active in politics, esp. as a career.
Sabi ni Pareng Juan dela Cruz:
Palitiks (pul’i ti’ ka), imp.*
1. langit ng mga pulitiko.
2. inkam-jenereyting badi.
3. masahol pa sa Payatas dumpsite sa baho at dumi.
Politishan (pul’i ti’ ko), hal.**
1. buwaya.
2. mukhang-$.
3. madaling hingan kapag malapit na ang eleksyon
(hindi mo na nga kailangan lumapit e, ‘yung pera na mismo ang lalapit sa’yo)
4. basura (kasi mabaho, marumi, plastik, lata, sapatos, kemikal, sirang pagkain, atbp.)
Sabi ko:
Wala kayong kwentang lahat (halos lahat lang pala)
Kung kayo-kayo na lang lagi, nek-nek n’yo
Hindi na kami mangmang tulad ng dati
Wala na kaming stroke, ‘di ba?
* impyerno
** halimaw
realidad o ilusyon?
Dal-Syon ni Pagkakaibigan Bago Siya Magpakamatay
ni Alexandra Gabrielle B. Francisco
Gudbay, gudbay na kruwel werld!
Ako’y mamamaalam na,
Pagkat pusong nagdurugo
Ay di na makayanan pa.
Ako’y sawi, sawi, sawi,
Pobreng sawi sa pag-ibig!
Ako’y tanga, tanga, tanga,
Nagpaloko sa ‘king dibdib
(na sadya namang maliit).
Sa ‘ki’y Pagkakaibigan
Ang ngalang siyang binigay.
Ang kapatid ni Ilusyon
Na kadiring baklang tunay.
Mangingibig ni Pag-ibig
Ang dati kong raket-buhay,
Pero di nga, siya’y minahal
Seryoso’t walang lokohan.
Siya’y naging kaibigan
Hanggang di na mapigilan
Silakbo ng damdamin ko.
At ako’y nagtapat ng ‘sang
Pag-big, tunay, totoo!
Sino namang di iibig?
Kanyang mapupulang labi,
Kanyang kay tamis na ngiti,
O kanyang kay laking dibdib!
Pag-ibig ko’y sinuklian
Ngunit napilitan siyang
Ikasal sa bruskong iyon
Ang gagong si Pagmamahal.
O kay sakit, o kay hapdi,
Ang puso kong nagdurugo
Nung binalita ‘to sa ‘kin
Nitong kambal ng tadhana,
Pagsubok at Alitan!
Sapat na’ng kirot na dulot
Ng pagpapakasal niya.
Pero bakit? Bakit? Bakit
Nakuha pang makiapid
Kay Jesus mula sa langit?
O pa’nong natiis niyang
Magkaroon ng kay raming
Kalaguyo, samantalang
‘ko’y nag-iisa’t malungkot?
Ako’y handa nang talunin
Ang porth ploor ng KAL Niyu Bilding,
Nung may pumigil sa akin.
Paghilom ang ngalan niya.
Muling nakipagkaibigan,
Muling naakit, nagnasa,
Mata’y lumuwa, bumulwak
Puso’y kumadyot, kay bilis
Nang makita ang malaking…
Pero, pero aksidente!
Wag niyo akong akusahan.
Ako’y napadaan lamang
Sa kanilang palikuran.
Buweno ako ay nagtapat.
Kay sayang malamang ganun
Din ang nararamdaman niya!
Kami’y kinasal, nagsama
Sa tamis ng matrimonya.
Tindi ng bugso ng puso
Noong mga unang gabi!
‘Sensya’t di ko masatula,
pagkat tekniks niya’y di alam
ng inosenteng isipan.
Kay sarap ma’y di nagtagal
Dumating muli ang kambal.
Anila’y “Nakikiapid
Asawa mo kay Diborsyo!”
Leche, anak ng pusakal.
‘Lang ‘ya, gago, tarantado!
‘Tang ina, ‘takte, BU-WI-SSSSHHHHEEETTTTT!
Sanepabeech, mamatay ka na!
Heyt na heyt na heyt ko na siya!
Kundi lang bawal ang dibors,
Ginawa ko na sana ‘yon,
At mahal ding magpa-annul.
Naghiwalay na lang kami.
O, ikal’wang pagkabigo,
Parang tinadtad ang puso!
Nilagay sa kaserola
At sinama sa Sinigang.
Muli’y pagpapakamatay
Aking layunin sa buhay.
Ako’y napigilan nga lang
Nitong si Katotohanan.
Muli sana ay iibig
Ngunit ako’y pinigilan.
Sinabi niya’y “Niloloko
Mo lamang ang ‘yong sarili
Sa ‘lusyong pag-iibigan.
Pagkat tao’y natatakot
Masabihan syang animal,
Kaya pagnanasang sekswal
Ay minamaskarahan ng
Pag-ibig na ‘rasyunal’.
Ang hayop ay magnanasa
Magtatalik at dadami.
Sa ati’y sinisingitan
Nitong friendship at pag-ibig.
Pag-ibig, alam mo na nga,
Pero pagkakaibigan?
Akala mo ba’y totoo?
Isa pa ‘yang panloloko!
Ganito’y nagsisimula
Mga ugnayang pantao.
Minsa’y aabot sa pag-ibig,
Minsa’y hanggang doon na lang.
Minsa’y sa kapwa lalake,
Minsa’y sa kapwa babae,
Minsa’y kasaria’y iba.
Minsa’y aabot sa pag-ibig,
Minsa’y hanggang doon na lang.
Ngunit san ba ang ugat nyan?
Di ba’t pansariling mithi?
Di ba’t kaibiga’y hanap
Dahil mayro’ng kailangan?
Salapi’t pakikisama,
Gusto mo pa, sagot sa eksam!
Kasama at kwentuhan,
Di ba’t lahat pansarili?
Lahat pansarili lamang!
Kaya’t pag di maibigay
Ang mga kailangan nya,
Asa ka pang matanggap ng
‘yong “mahal” na kaibigan
na kunwari’y mahal ka rin.
Sa bagay pareho lamang
Kayong dalawang kunwari’y
Para daw sa isa’t isa.
Uulitin ko, pareho
Nga kayong makasarili.
Pagkat ‘yan ang kalikasan
Sintang tao na nilikha
(ayon sa doktrina nila)
ng Diyos na maawain.”
“O Diyos, ‘kaw nga ba’y may awa
sa ‘king sawi sa pag-ibig?”
Sagot ni Katotohanan,
“Meron! Baka ikaw ang wala.”
At ito ang dahilan niya.
“Di ba’t pakikipagkaibiga’t
pag-ibig at tinuro nya
noong siya’y nasa lupa pa’t
niligtas sangkatauhan?”
(“Teka’t di ba’t lokong Jesus
nakilala ko sa dula?”
tanong ko kay Katotohanan.
Sagot nya’y “Tanga! Impostor
‘yong kay Pag-ibig sumama.”)
“Wag sirain ‘tong diskusyon.
Di ba’t mga tinuro nya
Syang ginagamit ng tao
Nang makontrol kapwa tao?
Hayan ang sex at ilusyon,
Kawatan de sangkatauhan
Sa pagmamanipula ng
Pusong mas mahina sa
Mas makapangyarihan.
Mayro’n bang santang mabait
Na naligaw sa lupang ‘to?
Gud luck na lang kung mabuhay
Nang higit sa sampung taon.
Di maglao’y sasama rin
O di kaya’y papanaw.
Pagkat marunong mangontrol
Ng damdamin at emosyon
Ang tatagal sa mundong ‘to.
O ‘kaw, ilang taon ka na?
Trenta’y uno ka na, di ba?
Di ka na inosente, ha?
Kaya’t itanggi mo man ay
Ika’y makasarili rin.
Ang ‘yong pagkakaibigan
At pati ang ‘yong pag-ibig,
Ugat nya’y makasarili.
Wag humikbi, ‘lang masama!
Pagkat ‘yan ay kalikasan.”
Nang aking matantong tunay
Sakit ng katotohanan,
Ako’y nagwala, nabaliw!
Daig pa ang asong ulol
Na sa ulo ay pinukol.
Sa aking pagsasayaw nang
Hubad sa tapat ni Oble,
Kinuha ako at dito
Tinulak sa kwartong puti,
Nakagapos, nakakulong.
Tinatanong minsan-minsan,
“Bakit ka ba nagkaganyan?”
Ako’y walang sagot pagkat
Di nila maiintindihan.
Kaya’t gudbay na kruwel werld!
Manatili ka d’yang tanga!
Ako’y Pagkakaibigan,
Isa ‘kong ilusyon lamang!
Ng ‘yong kubling kasakiman.
No comments:
Post a Comment