introduksyon

1 tasa kinaskas na yelo 2 tbsp minatamis na saging 1 tbsp pinipig 1 tbsp ube 3 tbsp sago (kulay pula) 3 tbsp gulaman (kulay green) 1 tbsp monggo 2 tbsp sweet beans 2 tbsp nata de coco 1 tbsp minatamis na langka 2 tbsp asukal 1 scoop ube ice cream 3 tbsp gatas *maaring lagyan ng leche flan sa ibabaw halo-halong emosyon. halo-halong karanasan. iba-ibang tao. iba-ibang pagkatao. malamig. masarap. nakakangilo. ganyan kami. labo-labo. halo-halo. mura lang. bilhin n'yo. alex. angel. jau. josh. suzette. lahat tao. para sa tao, panitikan at lipunan. kay ser mykel. tao rin. labo-labo. halo-halo. tikman n'yo.

Wednesday, May 16, 2007

TaMiS nG LeChe FlAn gAyA ng TaMiS ng LiManG kWenTo

Limang kuwento ng limang isip na nagbuklod upang sa iyo'y isang kakaibang halo-halo ang ihatid. Ito ang mga maikling kuwento na tungkol sa buhay ng mga karakter na inimbento ng aming isipan--mga pagkataong ginagawa gamit ang pinagsamang kapangyarihan ng imahinasyon at realidad. Ibat-ibang pagkatao, iba't ibang tagpuan, iba't ibang manunulat. Iba't ibang ugali at paniniwalang matatagpuan sa bawat bibitiwang salita. Ibang klase ng tamis. Tamis na nakahuhumaling sa taong umiibig sa panitikan. Tamis na perpektong pandagdag sa iyong halo-halo. Ito ang tamis na panapat sa tamis ng iyong paboritong leche flan. Isa lang ang kahulugan.

Madadagdagan na naman ng isa ang populasyon ng mga taong prone sa diabetes. Pero biro lang yon. Titikman mo pa rin, di ba?

tamis ng buhay

Paano Lumabas ang Baby sa Tiyan ng Mame?

Suzette Dagli

August 11, 1998

Dear Diary,

Napagtawanan ako sa klase kanina. Kasi ba naman nang tanungin ako kung ano ang unang lumalabas sa sanggol kapag ipinapanganak, ang sagot ko ay puwet. Sabi kasi ng mommy ko at mga tita noong ipinanganak daw ako puwet ang una sa akin. Pati si Ma’am Oyson, ang teacher naming sa EPP, napatawa rin at ulo o paa kapag suhi raw ang tamang sagot. ‘Yan kasi, dapat hindi talaga ako masyadong madaldal. Pero alam kaya talaga ng mga kaklase ko kung ano ang unang lumalabas kapag ipinapanganak ang baby o tumawa lang sila?

suzy

(Ding dong ding dong) “Ka Nida, tao po!” tawag ng mama sa labas ng aming gate matapos niyang patayin ang motor ng dalang tricycle.

Lumabas ako at tiningnan kung sino ang dumating. Hindi ko siya kilala. “Mame, may naghahanap po sa’yo!” malakas kong tawag sa aking ina na nasa kusina.

Ang aking ina ay isang midwife o komadrona, nagtatrabaho siya sa Barangay Health Center dito sa aming barangay. Kilala siya sa aming lugar dahil nagpapaanak siya. Maraming tao dito sa aming bayan, lalo na sa mas malalayong barangay, na walang pera at walang pambayad sa ospital. May programa rin ang Department of Health na turuan ang mga tao na huwag tumawag ng mga hilot o mga magpapaanak na hindi nagkaroon ng pormal na pagsasanay at pag-aaral ng pagpapaanak upang maiwasan ang mga problema tulad ng pagkamatay ng babaeng nanganaganak at sanggol at pati na rin impeksyon at iba pang komplikasyon. Sanay na akong kinakaon ang aking ina para magpunta sa bahay ng manganganak at kung minsan pa ay malalim na ang gabi at minsan nama’y may buntis na nagpupunta sa bahay namin kung wala sa Center ang Mame.

“Ano malimit na ba raw ang pagsakit ng tiyan ni Marilyn?” tanong ng Mame sa mama.

“Oho raw” sagot ng lalaki na halatang kinakabahan.

“Nagpa-ultrasound ba siya? Sabi ko kasi noong isang linggo nang magpunta siya sa Center ay magpa-ultrasound” usisa ng Mame sa mama.

“Hindi po e” sagot ulit ng mama na ngayon ay mukha namang nahihiya.

“Siya, intayin mo ako at magbibihis lang” pumasok ang Mame sa kwarto para magbihis at sumunod ako “Mame, saan ka pupunta? Taga saan ung manganganak?” tanong ko sa kanya habang inaayos ang gamit niya.

“Doon lang sa Ilaya, makaliban ng tulay” sagot niya.

Mag-aalas-diyes na nang dumating ang Mame at narinig ko ang usapan nila ng aking ama mula sa kwarto.

“Kaawa-awa ‘yong nanganak, walang nakahandang gamit kahit kaunting pera ay wala rin. E paano kung ma-ospital? Ang sahig ng bahay ay lupa at ang papag ay sira-sira pa.” pagkukuwento ng Mame.

“Anong sabi ng asawa?” usisa ng Dade.

“Ano pa nga ba? Sabi ay magdidilihensya pa raw ng pera. Naku! Yung lagay na ‘yon baka mangutang pa kung makakabayad sa mga ginamit na gamot sa panganganak pero malamang ay hindi na makakabayad ‘yon. Doon sa sinundan ay P200 lang ang naibigay at pang-anim nang anak ‘yan e.”

Kinabukasan pagkagaling ko sa paaralan ay tinanong ko kung nasaan ang Mame, kasi lagpas alas-singko na ay wala pa siya sa bahay. Sabi ng Ninang ko na nakatira sa kalapit na bahay, nagpapaanak daw ulit ang Mame. “Ang dami namang nanganganak” nasabi ko sa aking sarili. Ilang sandali pa ay dumating na ang Mame at itinanong ko sa kanya kung saan siya nagpaanak. Galing pala siya roon sa Burol, medyo malayo mula sa bahay namin. Ang nanganak sabi ng Mame ay bata pa, 16 pa lang at iyak nang iyak habang nanganganak, nakabitin sa nanay niya.

“Kawasa, batang-bata e nagpabuntis tapos ang asawa naman ay bata pa rin. Pinag-aaral, pag-aasawa ang inatupag” sabi ng Mame sa Ninang.

August 12, 1998

Dear Diary,

Parang nakakaawa naman ‘yong babaeng nanganak kanina. Magte-ten years old pa lang ako tapos siya 16, halos anim na taon lang ang tanda niya sa akin. Napakahirap siguro manganaak…ARAY! Parang katulad noong mga nakikita ko sa TV. Ang hirap naman palang maging girl, lalo na kapag manganganak na. Tapos magkakameron ka pa…pano kaya pag nagkameron na ako? E di bibili ako ng napkin? Parang nakakahiya pero para ring exciting. Kasi si Leah ‘yong kaklase ko nagkameron na dalagang-dalaga na talaga siya.

Suzy

Pagpasok ko sa iskul, bago magsimula ang klase ay nagtutuksuhan ang mga kaklase kong lalaki. “Uy! Uy! Crush mo pala si ano ha!!”

Lumapit ako sa kanila at sumingit sa usapan nila “Ano? Sino?”

Tumigil sila at namula. Nakakatawa ang itsura nila kasi para silang nakakita ng multo.

“Wala! Bakit namin sasabihin sa’yo? For boys only!”

“Ok bahala kayo. Para nagtatanong lang e.”

Pero bago mag-recess ay nalaman ko rin kung sino ang pinag-uusapan nila. May crush daw sa akin si Melvin.

August 13, 1998

Dear Diary,

Crush?? Dati noong grade 1 si___tapos si____. Pero ano ba dapat ang maramdaman ko? Hindi ko naman sila crush. Kasi parang mga pinsan ko lang sila o kaibigan pero kung artista pa siguro.=) Ako ngayon wala pang crush kasi hindi ko pa nakikita ‘yong gusto ko. Pero nakakilig ding isipin na may nagkakagusto sa akin.

Suzy

Itinago kong mabuti ang diary ko sa ilalaim ng kama at naku kapag nakita at nabasa iyon ng kuya ko sigurado pagtatawanan at tutuksuhin ako.

(Ding dong ding dong ding dong) “Grabe naman mag-doorbell” tinawag ko si Kuya para siya ang magbukas ng gate .

“Sino po sila? Bakit po?” tanong ni Kuya sa dalawang babae at isang lalaki sa labas ng gate namin. Alas-9 na, ang gabi na naman ng bisita.

“Si ka Nida ‘toy, may kasama kaming manganganak, andito sa dyip” sagot ng isa sa mga babae.

“Mame, may manganganak daw, kasama na nila” sabi ng kuya ko sa Mame sa pinto habang nasa loob ng banyo ang Mame.

Nagmamadaling lumabas ang Mame at hinarap ang mga dumating na ngayon ay nasa terrace ng aming bahay. Maya-maya ay bumaba ang isang babae na may malaking tiyan na para bang mahuhulog na ang laman ng kanyang tiyan. Pangibit-ngibit siya habang naglalakad at hinubad and tsinelas pagsapit sa bunsuran ng aming bahay.

“Malimit na ba? Anong klaseng sakit ‘yon bang abot-abot na?” tanong ng aking ina sa manganganak.

“Paano magaabot-abot ang sakit?” Itatanong ko sana pero baka di ako masagot agad, saka na lang.

Pumasok sila sa bahay at ipinakuha ng Mame sa Dade ang banig na plastic na nakatago sa kwarto nila at inilatag sa sahig sa gitna ng sala namin.

“May dala ba kayong mga panlatag o kumot?” tanong ng Mame sa dalawang babaeng kasama.

“Meron po” sagot ng isa at lumabas para kunin sa dyip ang gamit.

“Lumusong na nga po kami dahil mahirap po kapag doon pa sa bundok manganganak. Mahirap ang pagkaon sa inyo at baka madala pa sa ospital ay mahirap mag-biyahe kapag gabing-gabi na” sabi ng lalaki na asawa pala ng manganganak.

Pinahiga ng Mame sa banig ang babae at matapos eksaminin ay sinabi niya na manganganak na raw talaga ang babae. Dahil sa hindi na maaring dalhin pa sa center ang babae ay sa bahy na naming mismo siya paanakin.

“Neng matulog ka na at may pasok ka pa bukas” sabi ng Mame sa akin at pumasok na nga ako sa aking kwarto na kalapit lamang ng aming sala. Gusto ko pa sanang maood ng panganganak pero hindi raw pwede ang bata manood.

Pagkapasok ko sa aking silid ay kinuha ko ang aking diary at nagsimulang magsulat. Kasabay ng tunog ng aking ballpen habang nagsusulat ay ang tunog ng mga daing ng babaeng nanganganak—ang lalim ng kanyang mga paghinga, ipit na boses at pati ang pagkabog ng kanyang diddib ay tila naririnig ko na rin. Hindi ko maiwasan na magtaka kung ano ang nagyayai sa labas kaya’t dahan-dahan akong sumilip mula sa aking kwarto. Sa pagsilip ko ay nakita ko kung paano lumalabas ang baby.

Nakakatakot. Tila isang kababalaghan ang aking nakita. Magic pero medyo suspense at may halong horror. Dahil dito ay ipinikit ko ang aking mata at sa halip ay pinakinggan na lamang ang mga susunod na pangyayari. Ang tibok ng puso ko ay bumilis, tsug-tsug, tsug-tsug…hanggang sa ito na lang ang naririnig ko nang biglang narinig ko ang isang bagong tinig sa gitna ng tinig ng mga matatanda sa labas—iyak ng isang sanggol. Muli kong binuksan ang aking mga mata at nakita kong inihiga ng aking ina ang isang marungis at duguan na sanggol. Nakakabit pa sa sanggol ang kanyang pusod. Namumula ang kanyang balat ngunit ang kanyang buhok ay maitim, nakapinid ang mga mata at di pa rin tumitigil sa pag-iyak.

August 14, 1998

Dear Diary,

Grabe! Alam mo ba may nanganak dito sa amin at hindi talaga naming kamag-anak o kaibigan. Pasyente ng Mamae sa Center. Ngyaon lang ako nakakita ng nanganganak at ganoon pala lumabas ang isang baby. Pero paano nangyari na isang buong sanggol lalabas sa isang tao. It’s a miracle!

Noong nanganak kaya ang Mame sa akin, ganoon din kaya kahirap at kasakit? Kapag ako kaya? Kakayanin ko kaya?

Ang mga boys hindi manganganak at kung alam lang nila kung gaano pala kahirap manganak, magpapasalamat silang boys sila.

Kaya dapat talaga nating pahalagahan ang mga Mommy.

Masaya siguro maging midwife dahil ang kanyang mga kamay ang unang hahawak sa isinilang na sanggol.

Ang galing ng Mame ko!

Suzy

Kinabukasan, paggising ko ay nandoon pa ang nanganak at nagpapadede ng kanyang sanggol. Ngumiti ang babaeng kagabi lamang ay hindi makangisi kahit kaunti. Lumapit ako sa kanila upang tingnan ang baby. Ang ganda niya at ang liit-liit ng kanyang kamay. Ang daliri niya ay parang maliit na sanga ng halaman at napakalambot ng kanyang balat parang ‘yong nasa commercial ng Johnson’s. Banayad at payapa ang paghinga niya habang nasa dibdib ng kanyang ina.

Lumapit ako sa Mame at yumakap sa kanya, yakap ng pasasalamat at pagmamahal.

mukha ng buhay

Buhos ng Ulan Junicynth Paula "Jau" Agon

Ayaw ko munang umuwi sa aming bahay, masama ang aking loob sa maraming tao, sa aking mga kaibigan, sa aming mga kasambahay, pati na sa aking mga magulang. Lagi na lamang akong mali. Hindi ko maintindihan ang aking sarili kaya mananatili muna ako rito. Kung ako’y may suliraning dinadala, ditto lamang ako tumutungo sa isang tahimik na lugar upang magpahinga. Sa ilalim ng isang punong malaki. Sa mataas na bahagi ng isang burol ako’y nakaupo. Pinagmamasdan ko ang dahan-dahang paglubog ng araw. Ang mga kulay na kahel, ube, at asul ay mistulang magpapagandahan sa kalmadong kalangitan.

Napakaganda! Kasabay pa nito ang tila paghaplos ng alamig na hangin sa aking mukha. Napakagaan, napakalambing.

Ngunit sa akig paggising, ang bawat senaryong aking unang nakita ay tila nag-iba. Ang dating punong maganda ay tila nalalagasan ng napakaraming dahon, at ang tangi ko na lamang natatanaw ay ang madilim at makakapal na ulap na bumabalot sa kalangitan na nagdadala ng malakas na ulan.

Napakaingay! Ang tangi ko ng naririnig ay ang malakas na buhos ng ulan at mga kulog na dumadagundong. Nakakatakot ang mga limilinyang mga kidlat sa kalangitan. At eto ako, nakatayo sa gitna ng ulan at basang basa.

Sinubukan kong humanap ng masisilungan. Kumatok ako sa mga bahay na malapit sa aking kinaroroonan. Ngunit dahil nasa bakasyunan ang karamihan ngayon, wala ni isa ang nagbukas sa akin. Kaya napilitan akong bumalik sa aking pinagmulan. Pilit kong isinilong ang aking katawan sa ilalim ng puno na wala ni isang dahon. Ramdam na ramdam ko ang walang kaparis na lamig na tila nagpapabagsak sa aking katawan. Hindi ko mapigilan ang tila sasabog na emosyon na aking nararamdaman, marahil diahil na rin sa magkahalong hirap, takot, at lungkot. Gumiti ang luha sa aking mga mata hanggang hindi na napigilan ang pagtulo ng mga ito.

Ang aking naitanong na lang sa aking sarili ay kung ako ba’y nagging masama kaya gayun na lamang ang aking nararanasan. Ilang sandali lamang ay nakaramdam ako ng telang ibinabalot sa akin. Sa aking pagmulat ay nakita ko ang kaibigan kong si Ric-ric.

"Tahan na, ngumiti ka na," anya.

"Paano naman ako ngigiti sa ganitong pagkakataon?"

"Alam mo magpray ka lang kay God magging ayos din ang lahat."

Hindi niya ako iniwan hanggang timila na ang ulan. Sa panahong magkasama kami, hindi na ulit kami nag-usap. Hinahayan niya lang ako mag-isip pero ramdam mo na nandiyan lamang siya.

"Paano wala ng ulan, uwi na tayo?" tanong niya.

"Magulo pa rin ang isip ko pero siguro nga may mali din ako. Uwi na tayo."

fwekfkp[fwfp

General Cleaning

ni Joshua Lorraine Soriano

“General cleaning tayo bukas” paalala ni ma, “Linisin bawat sulok ng bahay, ayusin ang mga gamit na itatago sa bodega. Lahat tayo ang maglilinis walang magdadahilan.” Sumimangot si ate at nagtulog-tulugan si bunso.

Sumikat na ang araw. “Bug bug” katok sa pinto. “Gising na! Kumain na kayo at simulan na natin maglinis para marami tayo matapos ngayon.” Sigaw ni ma. Pagkatapos kumain nagbihis na ako at naghilamos. Ako ang inassign para magtanggal ng gamit sa mga kabinet. Inuna ko ang sa kwarto ni mama; mga lumang laruan namin ng aking ate ang unang nakita. Nakita ko si Barbie na aking kinalbo at ang baby doll ko na mahal na mahal ko noon na binigyan ko pa ng pangalan na Samantha. Dati ay di ako makatulog paghindi katabi ang aking manika. Sa isang maliit na bag nakita ko ang aking trumpo at ang aking laruang spiderman na binigay ng aking pinsan. Noong kami ay mga bata magkakasama kami ng aking mga pinsan sa ina sa iisang bahay kasama namin doon ang aming lola, siya ang nagbabantay sa amin habang nasa trabaho ang aming mga magulang. Ako ang bunso sa mga magpipinsan noong panahong iyon at karamihan ng aking mga pinsan ay mga lalake kaya ang mga laruan nila ay ipinapahiram nila sa akin. Sa pagkakita ko sa laruang spiderman naalala ko kung paano napa-saakin ito. Niyayabang ni kuya Zito sa amin ang apat niyang mga laruang spiderman na ibinili sa kanya ng kanyang ama. Inggit na ingit kami, hinihingi namin ang isa sa kanya, sa pagiging sutil ng aking pinsan ay binigyan niya kami ng dare kapag daw tumalon kami sa bubong at nakatalon sa puno sa tabi ng bahay na parang si spiderman ay bibigyan daw niya ng isa. Umayaw ang tatlo kong kuya, pinilit nila ako gawin yung dare para mahiram nila sa akin ang laruan. “1-2-3 go!” bulong na sinabi ni kuya Oue “talon!.” “Joshua!!!!!” sigaw ni grandma, nang dinilat ang mga mata, lupa ang aking nakita nanakit ang siko at tuhod. Sa pagkarga sa akin ng aking yaya nakita ko ang dugo sa siko at ako ay napahagulgol sa takot sa dugo. “Marilen ang anak mo tumalon sa bintana nalaglag!” sabi ni lola “nagloko nga ubing” kanyang idinagdag. Ito ang isang alaala na nakikita sa isip tungkol sa aking lola. Napatingin ako sa peklat sa kaliwang siko, naalala ang pagtahi nito ng aking tita na walang anesthesia. Sa muling pagkalikot sa cabinet nakita ko ang dimpo na pinapangkuskos ko sa aking katawan pag naliligo. Napatulala ako at naalala ang unang pagpapagalit sa akin ni grandma noong ako ay tatlong-taong gulang. “Ligo na Joshua para makatulog ka na iha” sabi ni lola habang nagaayos ng mga panyo na kanyang koleksyon mula pa siya ay dalaga. Napakasinop ng pagkakatiklop ng mga ito walang kahit isang gusot na makikita at parepareho ang pagkakatiklop, pantay-pantay pa ang mga dulo. Pasimple siyang nagbabantay sa akin habang isa-isa ko tinatanggal ang aking damit. Pagkatapos ay hubad akong tumayo sa inidoro para maabot ang sabon na kaamoy ng buhok ng aking mama na naaamoy ko kapag siya ay nagpapatuyo ng buhok. Naiihi na ako kaya madaling tumalon pababa ng inidoro, naalala ko ang paraan ng pagihi ng aking mga pinsan, nakikita ko silang umiihi na nakatayo sa pagiging curious ay ginaya ko sila. “Joshua!!!” galit na sigaw ni lola, ‘yon ang unang beses ko nakatikim ng palo ng stick. Paiyak ako nagsumbong sa aking yaya. “Joshy! Bilisan mo diyan at magmerienda na tayo!” yaya ni ma. Sa pagaayos ng gamit para hindi nakakalat pagiiwanan ay nadampot ko ang bestidang kulay pula na ibinili sa amin ni mama na magkapareho pa kami ni ate. Hindi ko gusto ang bestidang ito. Una ko itong sinuot sa kaarawan ni kuya Gudov. Ayaw na ayaw ko ang bestidang iyon dahil makati ito sa braso at kili-kili. Lagi kaming pinagkakamalang kambal ng aking ate dahil pareho parati ang aming mga sinusuot pagkami ay umaalis. Sa pagtayo may naapakan ako. Sa pagdampot ng naapakan ay ito pala ang make-up kit na Barbie na regalo ng aking pinsan na si ate Ces. Halos ubos na ang laman ng make up kit. Wala na ang kulay pink na lipstick na aking paborito at ang kulay berdeng eye shadow na pinakagusto. Sa walong taon na kaarawan ko ito irinegalo sa akin. Dinadala ko ito sa school at paglalaruan namin ng aking mga kaibigan. Inilalagay namin ito kapag recess. Sabay sabay kaming papasok sa c.r at isa isa kaming maglalabas ng make up na kinuha sa kagamitan ng nanay o kaya ibinigay sa amin. Paglalaruan namin ito at ilalagay sa mukha. Pagtumunog na ang bell madalian namin ito itninatanggal. “Joshy! Merienda na!!!” at madaling tuamakbo sa kainan.

makinig sa aming kuwento

HAPI 12TH BERTDEY!

ni Aja Gulto

“OK class, ano’ng gusto ninyong maging paglaki n’yo?”

“Manny?”

“Gusto ko pong maging doktor.”

“Maganda ‘yan. O sige, Sonny.”

“Ahm, titser po.”

“Aba, si Lou naman.”

“Businessman, ma’am.”

“Hmm. OK, Sef?”

“Presidente ng Pilipinas!”

Nagtawanan ang lahat sa sagot ng bawat isa, lalo na sa sagot ni Sef. Samantala, nanatiling tulala at walang imik si Nathaniel na nakaupo sa likuran, malapit sa bintana na tila ba kinakausap ang mga punong sumasayaw sa ihip ng hangin.

“Nat? Ikaw naman. Nat?”

“Ahm, paglaki ko…”

“E kung lalaki ka pa!” singit na pangungutya ni Lou.

“Lou! O sige, Nat, tuloy.”

“Paglaki ko, gusto kong tumanda.”

Bakas sa mukha ni Ms. Alejandro na hindi ito nasiyahan sa sagot ni Nat, at tila nalito pa. Tuluyan nang tumungo sa pagtuturo ng ibang paksa si Ms. Alejandro at unti-unti na ring humupa ang tawanan sa buong klase.

Pagkatapos ng klase, habang nakaupo sa ilalim ng puno ng akasya’t naghihintay ng sundo ay nilapitan si Nat ng kanyang mga kaklase at inaya niya ang mga itong makipaglaro sa kanya. Subalit tumalikod lamang ang mga ito at nagpatuloy sa pakikipagtakbuhan, habang sumisigaw ng “diyan ka na lang lolo, baka rayumahin ka pa!” at saka nagtawanan.

Nagpanggap na lamang si Nat na hindi narinig ang panunukso ng mga kaklase. Binuksan niya ang kahong kanina pa tangan, saka ngumiting may bahid ng pagkalumbay at panghihinayang. Ilang saglit pa’y binungkal niya ang lupa gamit ang kutsarang nasa kanyang lunch box. Sa tapat ng puno ng akasya ay ibinaon niya ang kahon, kasama ang ilang patak ng luha mula sa kanyang mga malalamlam na mata.

Kinabukasan, habang recess ay masayang inanunsyo ni Nat na inaanyayahan niya ang kanyang mga kaklaseng dumalo sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan, ilang araw na lamang mula ngayon. Nagpatuloy lamang sa pagkain at pakikipaghuntahan ang kanyang mga kaklase, kung kaya’t malungkot na bumalik si Nat sa kanyang pagkakaupo.

Dumating ang kaarawan ni Nat, ngunit wala pa siya sa klase. Ilang minuto bago magsimula ang klase ay may kumausap kay Ms. Alejandro.

“Ms. Alejandro?”

“Mrs. Gonzalez, kayo po pala. Ano pong kailangan n’yo?”

“Ahm, ipapaalam ko lang na hindi na makakapasok ang aking anak na si Nathaniel, magma-migrate na kasi kami sa U.S., biglaan nga e. Mamaya na ang flight namin. Kayo na lang ang bahalang magsabi sa kanyang mga kaklase. Salamat.”

“Sige po, ako na po ang bahala. Have a safe trip po.”

___________________________________________________________________

Republic of the Philippines St. John Computer College San Juan, Metro Manila Presents this Certficate of Recognition To Luisa O. Villanueva For having successfully met the requirements for the degree Bachelor of Science in Computer Science Given this 11th day of April, 2007.

___________________________ ______________________________ Mr. Enrique V. Rivera Ms. Grace Hernandez Administrator College Dean

___________________________________________________________________

“Luisa, OK na ba ‘tong diploma mo? Maki-check nga.”

“OK na ‘yan, ang galing mo talaga Doc Manny. Saan ka ba nag-aral ng pagkadoktor, ha?”

“Sa Recto School for Doctors.”

“Hehe, patawa ka talaga Kuya Manny. Di nga, saan ka nga nag-aral?”

“Dalawa’t kalahating sem lang ang nakuha ko sa ComSci, diyan lang sa tabi-tabi. Tinamad na ko nung third year e, kaya ito, inaapply ko naman ‘yung natutunan ko dito sa Recto.”

“Ah, o sige po mauna na ko. Salamat!” - - o - - o - - “Suki, may Spiderman 3 na ba kayo?” “Yung DVD copy, ha?”

“Sef, ikaw pala. Siyempre, bago pa ipalabas sa sine e meron na kami.”

“O sige, pa-testing ha. Siya nga pala, balita ko halos lahat daw ng tindahan ng DVD dito sa Quiapo e kay Lou? Lucito Tan?”

“Ay, oo. Naging kaibigan at kasosyo niya kasi ‘yung intsik na may pagawaan ng pirated DVD e. Malakas ang kapit kaya hindi natitimbog ng OMB.”

“Ah, kaklase ko kasi ‘yun nung grade 6. Asensado na pala ‘yung ungas na ‘yun. Makikumusta mo ko sa kanya minsan, ha?”

“Sige, suki. E ano na ba pinagkakaabalahan mo ngayon?”

“Eto, parang presidente sa compound namin. Kargo ko kasi lahat e, ‘yung mag-ina ko, ‘yung pamilya ko, pati kamag-anak ng misis ko. Akala naman nila e ke laki-laki ng kita ko sa pabrika. O sige, kunin ko na ‘yan.” - - o - - o - -

“Hello, Manang Ising, kumusta naman diyan? Bukas na ang flight namin pabalik ng Pinas. Makihanda na ho ‘yung kwarto namin, ha? Siya nga pala, makisabi sa secretary kong kontakin niya si Detective Razon at mag-set ng appointment para sa’min sa isang linggo. Salamat.”

“Sige po, ma’am. Aayusin ko na po ang lahat. Ingat po sa biyahe.” - - o - - o - - “Good morning, Mrs. Gonzalez.”

“Good morning din. OK, Mr. Razon, mabilis lang ito. Narito ang listahan ng mga taong kailangan ko, know their address and contact numbers. I’m giving you one month, kailangan nasa harap ko na sila by July 7. Salamat.” 1. Emmanuel G. Calayan

2. Sonny C. Roco

3. Lucito A. Tan

4. Joseph V. Ramos

Deadline: July 7, 2007 - - o - - o - - “Magandang umaga sa inyong lahat. Ako si Mrs. Lea Gonzalez, ang mommy ni Nathaniel. Kaklase n’yo siya noong grade 6, kung naaalala n’yo pa.”

“Ah, ‘yung genius nating kaklase na laging nasa sulok at ‘yung tipong di makabasag pinggan,” masayang sagot ni Lou.

“E nasaan na po ba si Nat? At saka bakit n’yo po kami pinapuna dito?” tanong ni Sonny.

“Sa Sabado pa kayo magkikita-kita. May ipapakita ako sa inyo, may pupuntahan tayong lugar. Mang Tom, makihanda na po ‘yung kotse.” - - o - - o - - “Narito na tayo.”

“Aba, hindi pa rin nagbabago ang itsura ng St. Augustine Academy, ah?”

“Gumanda naman kahit paano, no!”

“Tingnan n’yo, buhay pa rin ang puno ng akasya na tinatambayan lagi ni Nat!”

Lumapit si Mrs. Gonzalez sa puno, lumuhod at nagsimulang maghukay. Taking-taka ang apat sa ginagawa ng matandang babae at namangha pa nang pagharap nito’y may hawak-hawak na kahon na siya nitong nahukay.

“Kay Nat ito, ibinon n’ya ito bago kami umalis papuntang Amerika. Para raw sa inyo ang laman ng kahong ito.”

Iniabot ni Mrs. Gonzalez ang kahon kay Sef. Ipinaalala niya sa apat na bumaik sa kanyang bahay sa Sabado ng umaga at saka naglakad palayo, habang nakangiting pinagmamasdan ang apat. Binuksan ni Sef ang kahon at nagtawanan silang lahat sa nakita: laruang pangdoktor, maliit na pisarang may kasamang yeso’t pambura, laruang pera, at isang maliit na kwadernong may nakasulat na “president’s planner.”

Parang biglang bumalik sa pagkabata ang apat at tila ba umatras ang oras nang 12 taon. Nanariwa sa kanilang gunita ang araw na tinatanong sila ni Ms. Alejandro kung ano ang gusto nilang maging paglaki.

Si Manny ay nais maging doktor na gumagamot sa mga maysakit, hindi doktor ng mga diploma, pasaporte, at iba pang papeles sa Recto.

Si Sonny naman ay isang marangal at premyadong titser, hindi titser sa isang bulok na eskwelahan na napakababang magpasweldo.

Si Lou ay isang businessman, hindi isang ilegal na negosyante ng mga pirated DVDs.

Si Sef naman ay presidente (ng Pilipinas pa nga e), hindi president eng mga palamuning walang alam kundi magreklamo’t dumaing nang dumaing.

Sa puntong iyon ay unti-unting napalitan ang tawanan ng katihimikan at panghihinayang. Panghihinayang sa pakikipagkaibigang inialok ni Nat na kanilang tinanggihan, panghihinayang sa oras na ginugol nila sa kalokohan, at panghihinayang sa mga pangarap na minsa’y inasam nang lubusan.

“Ano na kaya ang itsura ni Nat ngayon, no? Malamang asensado na talaga siya, no?”

“May pagkasentimental din pala ‘yung nerd na ‘yun.”

“Dapat kumpare na rin natin s’ya ‘pag nagkita-kita tayo ulit.”

Nang makauwi sila sa kani-kanilang bahay, lahat sila’y napaisip kung anon a nga ba talaga ang nangyayari sa mga buhay nila, at may ngiting nananabik sa pagdating ng araw ng Sabado. - - o - - o - - “Magandang umaga po, Mrs. Gonzalez.”

“Buti maaga kayong lahat. Tayo na, makikita n’yo na ulit si Nathaniel.”

Habang nasa kotse ay hindi maikubli ang pananabik ng apat na makitang muli si Nat. sinasariwa nila ang mga pang-aalaska’t kalokohang ginawa nila kay Nat noon, na lubusan na nilang pinagsisisihan ngayon. Pagbaba nila ng kotse ay napalitan ang galak ng kalituhan. Taking-taka ang apat kung bakit naroon sila sa lugar na kanilang kinatatayuan. Nang palapitin sila ni Mrs. Gonzalez ay gulat na gulat sila sa kanilang nakita.

___________________ ~ R. I. P. ~ Nathaniel V. Gonzalez Born: July 14, 1983 Died: October 20, 1995 - A loving son & friend -

---------------------------

Napaluhod silang apat sa puntod ni Nat at di napigilang lumuha. Abot-abot ang panghihinayang nila sa kaklaseng dapat sana’y noon pa ma’y kinaibigan na.

“Pumunta kami noon sa Amerika para ipagamot ang brain tumor n’ya, pero hindi na naagapan. Bago pa siya mamatay, hiniling niya sa’king hanapin ko kayo pagkalipas ng 12 taon upang ibigay ang kahong nahukay natin kahapon, at papuntahin sa kanyang puntod sa ika-24 na kaarawan niya. Birthday niya ngayon, kaya ‘wag kayong malungkot, gusto niya masaya tayo sa araw na ito,” kwento ni Mrs. Gonzalez.

May dalang keyk si Mrs. Gonzalez. Binuhat ito ni Manny at sabay-sabay nilang hinipan ang mga kandila pagkatapos nilang kumanta ng “happy birthday.”

“Hindi po kami nagging mabuti sa anak n’yo, hindi po naming maisip na maaalala pa n’ya kami bago siya pumanaw,” paliwanag ni Sef.

“Gusto lang naman n’ya ng kaibigan. Bago siya mamatay, sinabi n’ya sa’kin na buti pa raw kayo matatayog ang mga pangarap n’yo noon. Kaya ang pangarap daw n’ya e matupad ang mga pangarap n’yo, dahil may buhay at lakas pa kayo. Sana kung di n’yo man naabot ito, gugulin n’yo ang natitira n’yo pang oras at buhay sa mundo upang maabot ang mga ito. Si Nat nga, 12 taon nang wala sa piling natin, pero patuloy pa rin n’yang naaabot ang mga pangarap n’ya. Kayo pa kaya na may buhay pa? magsikap kayo, para kay Nat, at para sa kinabukasan n’yo, abutin n’yo ang mga pangarap n’yo. Salamat sa pagpapasaya sa anak ko sa araw n’yang ito. Sana pagkalipas uli ng 12 taon ay makalabas na sa kahon ang mga laruang ito.” - - o - - o - - CONGRATULATIONS!!

Ten Outstanding Young Men (TOYM)

of the Philippines – year 2019

1. Angelo Agulto – journalist

2. Sonny Roco – dean, UP College of Arts & Letters

3. Louie Razon – soldier, Armed Forces of the Phils.

4. Joseph Ramos – president, Bayan Ko Movement

5. Christian Velasco – entrepreneur

6. Emmanuel Calayan – surgeon, Phil. Gen. Hospital

7. Michael Andres – internationally-renowned artist

8. Lucito Tan – owner, Mini-Go Convenience Stores

9. Aldrin Castillo – congressman, 2nd district (Bulacan)

10. Richard Bautista - lawyer

realidad na kathang-tao

Ang Batong Nakalagak sa Ilalim ng Silong ng Puno ng Kawayan

ni Alexandra Gabrielle Francisco

Paalala: Lahat ng mga buong talata at pangungusap na italicized ay nagmumula sa mga kataga ng ating bida.

Kamalayan. Para sa maraming tao, natutulog pa ang bahaging ito ng diwa nila. Natutulog na nga, tinatabunan pa ng ibang bahagi ng diwa. Kaligayahan, kalungkutan, pagod, at ang mithiin ng pansariling tagumpay—lahat iyan likas na nagigising sa diwa ng isang tao. Pero ang kamalayan? Kung ang mga unang nabanggit ay likas na buhay sa diwa ng tao, ang kamalayan ay hindi. Tulog ito, kailangang gisingin, kundi ay mananatiling tulog habambuhay. Ang lalong masakit, ang kamalayang totoong napupukaw ay bihira. Karamihan sa kanila’y bahagya lamang nagigising—at mas madalas sa hindi ay matutulog muli—o ni hindi dumidilat ang mga mata.

Kaya’t mapalad ang taong gising ang kamalayan. Sa dahilang ito, wala siyang karapatang sayangin ang talinong napunta sa kanya.

Pagkagising

Buong buhay niya, siya’y nakapuwesto sa ilalim ng mga kumakaway na mga sanga ng puno ng kawayan na hinihipan naman ng presko’t sariwang hangin kapag bandang katapusan na ng tag-init. Sinisilungan siya ng kawayan mula sa init ng araw at pinaliligiran ng abot-tuhod na alpombra ng ligaw na damo. Kasama niya ang kanyang mga kauri—mga pito sila roon. Sa malapit ay may umaagos na tubig mula sa isang maliit na batis na tumatagos sa malagubat na bahaging iyon ng Unibersidad. May tulay na nagdudugtong sa magkabilang panig ng batis. Marami siyang kaparis sa Unibersidad. Halos lahat ng kanto sa tinatawag na Acad Oval, makikita mo ang mga kauri niya na kinorte, pininturahan, at pinaligid sa kalsada upang magsilbing pahingahan ng mga estudyanteng lawit-dila sa paglalakad sa Unibersidad.

Pero hindi siya kabilang sa mga “mapapalad” na kinorte, pininturahan at inilagay sa Acad Oval. Binigyan lamang siya ng kaunting hugis, kaunting ukit, at inilagak na doon. Nakatago siya sa liblib na bahagi ng Unibersidad na iniiwasan ng mga mag-aaral tuwing gabi.

Siya ang ating bida. Siya ay isang bato—kasali sa mga batong nagsisilbing upuan ng mga mag-aaral na lawit-dila sa kalalakas sa Unibersidad.

Hindi siya kilala. Wala siyang pangalan, di tulad ng AS Steps. Tulad nga ng nasabi na, liblib ang lugar na kinasasadlakan niya. Madalas din ay nagmamadali ang mga estudyanteng naglalakad dito, lawit-dila sa paghabol sa mga susunod nilang klase sa magkabilang dulo ng Unibersidad. Madalas ay hindi siya pinapansin. Konti lang ang makikita mong liliko mula sa sementadong daan patungo sa buhaghag na damo at uupo sa mga batong yaon. Matagal na siyang nakasalampak sa lugar na iyon. Walang nakakaalam kung kailan siya naitindig. Maging siya nakalimot na rin. Basta pagdating ng bawat bagong mag-aaral sa Unibersidad ay isa siya sa mga una niyang makikita—kung napapadaan ka sa tulay na nabanggit kanina—ngunit hindi mo mapapansin.

Talaga namang hindi siya mapapansin, dahil ayaw niyang mapansin. Ayaw kasi niyang maistorbo sa kaniyang pagkakahimbing. Malaking bahagi ng buhay niya ay alay sa tulog. Kung magising man siya ay dahil iyon sa paminsan-minsang pagbisita ng mga taong naghahanap ng tambayan o pahingahan. Kinaaasaran niya ito. magmumura siya at sasabihin sa sariling, Istorbo. Istorbo sa tulog ko. Layas!

Kaso, hindi naman siya maririnig.

Minsan isang madilim na gabi na kung saan kinubli ng mga ulap ang liwanag ng buwan at inihatid ng mga ito ang malakas na bugso ng ulan, may isang binatang nakalimot sa oras at sa pagdadala ng payong. Sa pagmamadali, dumaan siya sa tulay na malapit sa kinatitirikan ng ating bida. Kumukumpas sa kanyang mga mata ang malalaking patak ng ulan, binubulag siya. Basang-basa na ang dyaket niyang neon color na minana pa sa kanyang ama. Madaling-madali ito. di na siya makapaghintay na makauwi, makaalis sa lamig ng ulan, malasap ang mainit na sopas ng kanyang ina, at makapanood ng paboritong Pangako sa ‘Yo nang nakaupo sa malambot nilang sopa.

Ngunit di na siya aabot pa sa kanilang bahay nang buhay. Sa gitna ng karimlan at sumulpot ang isang malaki’t maskuladong lalaki na may tangang patalim. Tinangka ng binatang umiwas sa daan ngunit nahuli siya ng masamang loob. “Akin na ang cellphone mo,” sabi nito. Umuulan. Masisira ang cellphone kapag nabasa pero binigay pa rin ng binata ang kanyang cellphone. Aalis na sana ang binata ngunit di pa siya pinalagpas . “Pera mo?”

Dito bumilis ang tibok ng puso ng binata. Matrikula niya iyon para sa susunod na semestre. Kapag binigay niya iyon ay hindi siya makakapag-aral.

“Ayoko.”

Isa iyong malaking pagkakamali. Makapigil-hiningang harapan ang nangyari. Binuhos ng binata ang lahat ng kanyang lakas upang makatakas sa gapos ng mga bisig ng kanyang kalaban, ngunit hindi ito naging sapat. Lubos lang talagang malakas ang malaking lalaki.

“Kahit na, hindi ko pa rin ibibigay ang pera.”

Sa huling pagkakataon ay pinilit ng binata na ihagis ang malaking lalaki pabagsak sa batis. Hinawakan niya ang magkabilang-balikat ng malaking lalaki. Binuhos niya ang lakas ng isipan upang maalala ang lahat ng natutunan sa Judo. Binuhos niya ang lahat ng lakas upang maiangat ang higanteng katawan ng kalaban. Matagumpay na sana, kundi lang naagapan.

Bago pa maitulak ng binata ang malaking lalaki pahulog sa tulay, mailabas ng lalaki ang kanyang patalim. Umuulan. Pumapatak ang malalaking patak ng ulan sa patalim, tumitilamsik sa mga bisig ng malaking lalaki, at kumikislap sa gitna ng karimlan.

Manaka-naka’y nabahiran ang puting talim ng pula, at bumulugta ang binatang nahulog sa batis. Nagulat sa kanyang nagawa, parang baliw na naihagis ng malaking lalaki ang cellphone at kumaripas ng takbo, hanggang mawala siya sa pagitan ng mga malalaking patak ng ulan.

Sa lakas ng agos ng tubig noong gabing iyon, natangay ang katawan ng binata nang mga ilang talampakan hanggang mamahinga ito sa tabi ng isang batong nakausli sa ilalim ng tulay, kubli sa paningin ng dumadaan sa tulay. Kinaumagahan, walang nakapansin sa bangkay, kahit na maraming taong dumadaan sa konkretong nasa ibabaw nito. Sa kabilang dako, may isang busabos na batang babaeng nakapulot sa cellphone ng binata na naitapon ng malaking lalaki sa damuhan. Naisip ng batang ibenta ang cellphone upang makakain naman ng lechon ang kanyang ina. Masayang-masaya na sana ang bata kundi lang siya sinabihan ng kanyang kalaro na “Hoy, hindi sa ‘yo ‘yan!” Sa kanyang pagkagulat at pagkakonsensiya ay naipukol ng bata ang cellphone, at tumama ito sa ating bida.

Nagising itong nagmumura. Lecheng mga bata kayo!

Pagkatuklas

Naiirita siya ngayon sa mga maliliit na langgam na gumagapang sa kanyang buong katawan. Pulang langgam ngayon, iyong mga malalaki sa karaniwan at masakit mangagat. Minsan na nga lang siya gumising, ganito pa kasama.

Lumibot ang paningin niya sa paligid. Ganoon pa rin, tulad ng ibang umaga—mga estudyanteng nagmamadali patungo sa susunod nilang klase, ang malumanay na hanging nagpapaginhawa sa mainit-init na panahon. Wala namang kakaiba, liban sa isang bagay.

Tamang-tama ang anggulo ng kinalalagyan niya upang masilip ang mga nasa ilalim ng tulay. Nagulantang siya sa kanyang nakita at napasigaw.

Bangkay!

Nakalimutan na nga niyang hindi nga pala siya maririnig ng mga dumadaang tao, sa kadahilanang isa siyang bato.

Kaligayahan

Hindi malaman ng ating bida kung ano ang gagawin. Lumipas ang mga oras at nakalantad pa rin sa kanyang paningin ang nakahandusay na binata. Mukhang wala talagang makapapansin sa kanya, bulong nito. Tirik na ang sinag ng araw sa tuktok ng puno ng kawayan. Tanghaling tapat at wala pa ring pumapansin sa bangkay, liban sa ating bida.

Tanghaling tapat. Lunch time. May dalawang magkaibigang naisipang kumain sa tapat ng puno. Umupo sila sa ating bida, indian seat, ang posisyon, na lubusang kinabuwisit ng ating bida.

Pero pumasok sa isip niya, Malapit sila. Baka sakaling marinig nila ako.

Hoy! May bangkay sa ilalim ng tulay!

Sumigaw siya sa abot ng kanyang makakaya, pero ni hindi natinag ang dalawang dalaga sa pagkain. Sa halip, habang nginunguya ang shawarma rice na binili nila, nagpalitan sila ng kuru-kuro.

“So sinabi ng pinsan ko,” sabi ng isa. “Why vote? Ang sabi ko, for our country! For our future. For us!”

“Tama ka dyan. At ano ang sinabi ng pinsan mo?”

“Ang haba, e. Wala namang content halos; kesyo dadayain lang naman ang eleksyon, kesyo walang magandang iboboto, kesyo this and that. Wala naman daw mangyayari.”

“Hindi nila maintindihan. Wala silang importance na binibigay sa pagboto.”

“Tama. Karapatan natin ‘yan. We have the power na nga, di pa natin gamitin.”

Ginagamit niyo nga ba talaga nang maayos? Tanong ng ating bida. Hindi na rin lang siya pinapansin sa kanyang mga sigaw ay mas mabuti na lang na sumali siya sa diskusyon, kahit sa isipan lang. Ganito ang ginagawa niya kapag nakaupo sa kanya ang mga aktibista at nag-uusap ukol sa kalagayan ng lipunan. Sang-ayon siya sa karamihan, ngunit hindi sa lahat. Datapwat ganoon ay naniniwala siyang kailangan ng pagbabago.

Ang problema kasi sa maraming kabataan, nagpapatangay sa agos ng nakararami, pagpapatuloy nito. Walang sariling pananaw. Madalas ay kinukuha lamang nila ang panig ng institusyong kinabibilangan o ng pamilya o ng mga kaibigan. Kapag bumoboto ba ay kinikilatis ninyo ang resume ng mga kandidato, o umaasa lang kayo sa pagagwapuhin ng media at ng barkada? Ibinibigay ba ninyo ang mga boto ninyo sa mga alam niyong makakatulong sa bayan at sa mga taong iyon lamang, o kasali ba kayo sa mga taong ang layunin tuwing eleksyon ay kumpletuhin ang line-up kahit na alam niyang walang matinong gagawin ang iba sa mga kandidatong isinulat niya sa balota?

Tanggapin na ninyo na nadadaya talaga ang eleksyon. May ginagawa ba kayo? Binabantayan ba ninyo ang boto ninyo?

“Nag-watcher ka ba nung eleksyon?” tanong ng isa sa dalawang babae.

“Hindi, e,” sagot ng unang nagsalita sa kanila kanina. “Nag-beach kami pagkatapos bumoto.” O kita, wala naman pala, patuyang sambit ng ating bida. Wag na ninyong asahang may magagawa pa ang inyong boto.

“Maiba tayo ng usapan. Napanood mo na ba ang Spiderman 3?” patuloy ng isa sa kanilang dalawa.

“Oo naman. Ang guwapo ni Tobey!”

“True, true. Pero mas guwapo si Josh.”

“Sinong Josh? Classmate sa Math 100?”

“Mismo.”

“And kasama mong manood ng Spiderman 3, the greatest, hottest movie of all time?”

“Yes, yes, yes!”

Hawak-kamay. Bungisngis. Tili.

“Ooooo, eeeeeeemmmmmmmmm, geeeeeeeeeeeeeeeeeeeeee!”

Leche, ang sakit sa tenga ng mga boses ninyo! Pakiramdam ng ating bida ay binabasag ang kanyang mga eardrums. Gusto niyang magdabog, pero hindi pwede kasi nga bato siya.

Putik, ang ganda na ng usapan kanina, e. Bakit ba kailangang mahumaling ng kabataan sa mga bagay na walang katuturan?

Ilang minuto pa ay natapos kumain ang isa sa dalawang magkaibigan. Nagpatuloy pa silang mag-usap tungkol sa mga bagay na pinag-uusapan ng mga kabataan ngayon—TV, gimmick, TV, text, TV, Internet, TV, OPM, TV, liban sa ibang bagay. Paminsan-minsan ay napag-uusapan nila ang pambuburaot ng online registration system na kuripot sa pamimigay ng slots. Mga dalawang beses ay nabanggit muli ang eleksyon.

Mga dalawang subo na lang at matatapos na sa pagkain iyong isa. May lumapit sa kanilang batang babae, iyong nakapulot ng cellphone kanina. Naglahad ito ng kamay.

“Ate, akin na lang iyan.”

Di maipintang nandidiri na ayaw ipahalata ang mukha ng dalagang kumakain. Tumingin siya sa styrofoam na lalagyan, sa kanyang kaibigan, at huli ay sa bata. Matapos ang ialng minutong pag-aatubili, iniabot na rin ng dalaga ang kanyang pagkain, na kinamay ng bata upang isubo sa kanyang bibig.

Kalungkutan.

Lumisan ang dalawang dalaga. Dinig pa rin ng ating bida ang matinis nilang halakhakan.

Leche, mga malalandi.

Andyan na naman ang mga langgam. Marami na sila ngayon, naisip ng ating bida. Ang sarap tirisin, pero si ko magawa. Pano kasi, bato siya.

Kaya mayroong gumawa noon para sa kanya. Dumating ang isa pang babae, mas matanda kaysa sa dalawang nauna, at may hawak na bote ng C2 na walang laman. Parang sasabog na maputlang kamatis ang kanyang namamagang mukha sa kaiiyak. Pag-upo nito sa ating bida, napisa niya ang ilang langgam.

Sumalampak ang dalaga sa ating bida at pinalo-palo ito ng hawak niyang bote. Galit. Frustrated. Naglalabas ng sama ng loob.

Hoy ineng, hindi ako beating bag, inisip ng ating bida. Bato siya.

“I hate you, I hate you, I hate you!”

Ano? Wala akong ginagawa sa yo!

“Go to hell! Buwisit ka sa buhay ko!”

Putris na babae to, kung mumurahin mo lang ako ay wag mo na lang akong upuan.

“Minahal kita, pero di mo ibinalik ang pagmamahal ko!”

Ibalik? Bakit ko ibabalik… teka, minahal mo?

Doon natanto ng ating bida na hindi siya ang tinutukoy ng dalaga kundi, marahil lalaking naging kasintahan niya at iniwan siya.

“Para akong tanga! Binuntutan kita, sinamahan, pinaniwalaan, tapos ganito? Parang basahan mong itatapon?”

Ano ba yun, gasgas na ang linya mo, ineng.

“Ipagpapalit mo lang ako sa…”

Saan? Maaawa na sana ang ating bida sa babaeng iyon. Kaso…

“Ipagpapalit mo lang ako sa pesteng Acads mo!”

Ha?

“Oo, sa Acads! Kesyo wala kang oras para sa commitment, kesyo hindi mo ako laging masasamahan pag may deadline ka. Ang dami mong inexcusable excuses! I hate you! Tanggap ko kung sa ibang babae, eh, basta sa tao. Pero ipinagpalit mo ako sa kapirasong papel na minimithi mong mamarkahan ng uno. Buwisit ka!”

Maaawa na sana ako sa yo. Kaso makitid din ang isip mo. Mahalaga ang pag-aaral. Mas mahalaga ang edukasyon kaysa makipag-relasyon sa puntong ito.

“Hindi mo ba kayang pagsabayin?”

Kung hindi naman niya talaga kaya ay bakit mo pipilitin? Buti ng di ka na niya pinaasa, e.

“Shit ka. I hate you, Josh!”

At patuloy na pinukpok ng babae ang ating bida. Tahimik na lamang nitong sinumpa ang dalaga.

Umalis ka na nga rito. Nasusuka lang ako sa yo.

Mayamaya’y bumalik ang batang babaeng tangan naman ngayon ang isang sakong may laman na mga walang lamang bote. Nilahad ng bata ang kanyang kamay.

“Ate, akin na lang yan,” sabay turo sa bote ng C2.

Dahil nga nagwawala ito, di napansin ng dalaga ang bata. Sa sobrang galit ay patuloy pa rin nitong pinukpok ang ating bida hanggang mapipi ang hawak nitong bote. Initsa ng dalaga ang napiping bote sa kawalan at umalis nang nagdadabog.

Tumakbo ang bata upang pulutin ang bote.

Pagod

Lalong nabuwisit ang ating bida dahil di siya makapagpamasahe. Bato kasi siya. Pero kahit ang mga bato ay nakararamdam din naman ng sakit, at masakit ang palu-paluin ng bote ng C2.

Bumalik na naman ang mga langgam. Magkakamot sana siya dahil makati, kaso bato siya kaya hindi niya puwedeng gawin iyon. Siya namang pagdating ng kanyang tagapagligtas.

Dumating ang isang matangkad na binata, maputi at may itsura. Iyon nga lang, kitang-kita mo ang maiitim na bilog sa kanyang mga mata—halatang nagpuyat para sa isang eksam. Naupo ito sa ating bida, kaya’t nadaganan ang ilang pulang langgam. Wala ang binata sa kanyang sarili. Malamang ay nararamdaman niyang babagsak siya sa eksam na iyon. Matapos magpakawala ng malalim na buntung-hininga, itinaas nito ang dalawang paa at ipinatong sa ating bida. Inilapat niya ang kanyang nananakit na likod sa atig bida at doo’y natulog.

Pagod na pagod siya.

Sige na nga, naisip ng ating bida. Magpahinga ka muna. Mukhang marami kang ginawa. Matapos ang magaling na pagtatapat ng isipan, karapat-dapat ang tulad mo sa pahinga. Sayang pagod ka. Wala akong makukuhan talastasan sa iyo. Mukha pa namang may masasabi kang maganda, kaso hindi mo na kaya. Sige, tulog. Kailangan mo yan.

Lahat naman tayo, kailangan ng pahinga.

Dumaan muli ang batang babae. Kakalabitin sana niya ang binata at hihingan ng kung anumang mahihingi.

Huwag mo nang istorbohin.

Waring narinig ng bata. Lumayo ito at naghanap ng ibang taong mahihingan.

Mag-aalas tres na. Biglang uminit. Ang init na ito ang gumising sa binatang natutulog.

“Ay, nakatulog pala ako. Asan na kaya si Josh? Buwisit, di na naman ako sinipot.”

Pipikit pa sana ang binata nang naramdaman niyang parang may kumurot sa kanya

“Aray.”

May kumurot uli.

“Aray uli.”

Tumingin ang binata sa kinahihigaan niya, sa ating bida. Bigla siyang napasigaw.

“Shit, langgam!”

Umalis ang binata nang nagkakamot ng buong katawan. Nagpakawala ng malalim na buntung-hininga ang ating bida.

Sayang wala tayong napag-usapan. Sayang.

Mithiin para sa pansariling tagumpay.

Kapag ganitong patapos na ang semestre, dumadalang ang mga estudyanteng napapadaan at napapaupo sa kanya. Pano kasi, pakonti na rin nang pakonti ang mga gurong nagkaklase. Pero kaiba ang pagtatapos na ito. Maraming umupo sa kanya.

Sa dami ng pangyayari ay halos nakalimutan na ng ating bida ang bangkay ng di pa nakikilalang binata sa ilalim ng tulay.

Hindi naman yata tama na pabayaan ko siyang mabulok doon. Sa susunod na may dumaan, iyon ang unang-una kong sasabihin sa kanya, inisip ng ating bida.

Agad na nasubukan ang pangakong iyon. Napadaan ang dalawang magkaibigan, parehong binata. Naupo ang isa sa kanila at ang isa naman ay nanatiling nakatayo.

“Minumudmod na nga sa yo ang scholarship ayaw mo pang kunin,” sabi ng nakatayo.

“Wala nga akong balak kumuha ng masteral. Mahirap bang ipaunawa iyon?” sambit ng nakaupo, sabay buntung-hininga.

“Oo. Kasi sayang. Ayaw mo bang makakamit ng mas mataas na antas ng edukasyon? Magpapaalila ka ba sa mga multinational companies nang ganun-ganun na lang.

“E, may magagawa pa ba ako? Kailangan ko ng pera.”

“Ruben, mayaman na kayo.”

“Kahit na! Kailangan ko ng sarili kong pera.”

“Mukha kang pera. Wala na bang mas mahalaga sa yo kundi pera? Hindi mo ba naisip na kapag nag-masteral ka at naging propesor ka ay marami kang matuturuang mga future engineers? Isipin mo, marami kang matutulungan!”

“Ano naman ang mapapala ko doon?” bulyaw ng tinawag na Ruben. “Masyadong maliit ang suweldo ng propesor. Bakit ko pagtitiisan iyon kung may naghihintay namang mas malaking pera sa ibang bansa. Harapin na nating wala nang pag-asa ang Pinas. Sa panahon ngayon, kailangang maging wais. Kundi, walang manyayari sa buhay mo.”

“Hindi lang ikaw ang tao sa mundo, Ruben.”

“Tol, yan ang napapala ng mga sumasama sa mga GA ng mga aktibista. Naiimpluwensyahan ka na ng mga bagay na pipigil sa iyong pag-unlad.”

Natahimik ang kausap ni Ruben. Hindi dahil sa wala siyang masagot, kundi dahil hindi niya matanggap ang sinasabi ng kasama.

“Iba ka sa iyong kapatid.”

“Si Josh? Matigas ang ulo ng batang iyon. Sama nang sama sa mga rallies na yan, kaya kinagalitan ni Ama. Kaya siya namumulubi ngayon sa kolehiyo. Di naman yun ganun dati, e. Tulad ko siya noon, mataas ng pangarap sa buhay.

“Pangarap niyang tumulong.”

“Pangarap niya ang maghirap. Anong nakain nun at kumuha ng Sociology? Mapapakain ba niya sarili niy dun? Maghihirap lang siya at mapagkakamalang NPA. Sinusubo niya ang ulo niya sa panganib. Di na natuto sa pagkakamali ng iba. Sayang, may utak, hindi naman ginamit.”

Makikita ang siphayo sa mukha ng kausap ni Ruben. Tumalikod ito at hindi na tumingin sa kasama. Anupaman, nag-inat na lamang si Ruben at tumingin sa kumakaway na kawayan.

“Ganoon ang lipunan, di ba? Pag malakas ka, mabubuhay ka nang maayos. Pero kapag mahirap ka, aapihin kang iba dahil kaya nilang gawin yon. Pag pinilit mo namang tumulong sa mga mahihirap, either matulad ka sa kanila, o malagutan ka ng hininga sa iyong pagtulong. Di ba puwedeng mamuhay ka na lang nang tahimik, Josh? Sociology pa naman ang kinuha mo, simpleng bagay tungkol sa lipunan ay di mo alam.”

Tahimik na pinakinggan ng ating bida ang buong talastasan. Ngayon ay di na siya makapagpigil na magsalita.

Duwag ka. Ayaw mong harapin ang responsibilidad mo sa lipunan. Oo, responsibilidad. Tungkulin mong ibahagi ang iyong talino sa iba. Ipapamigay mo pa ito—hindi lang sa mga kapitalistang dayuhan—sa pera. Sa maginhawang pamumuhay. Di mo ba nakikita ang mga naghihirap sa paligid mo? Lahat sila, sa palagay ko, nais tulungan ng kapatid mo. Mas magaling siyang tao kaysa sa iyo. Takot kang mawala sa iyo ang kayamanan, ang maginhawang buhay na tinatamasa, ang pagkakataong makamit ang pansariling tagumpay. Mababa ang lipad. Hungkag na isipan!

Muli ay dumaan ang batang babae. Ilalahad pa lang niya ang kanyang kamay ay buong pandidiring sinabi na ni Ruben, “Wala.” Saka ito naglakad paalis.

Sa totoo lang, iho, sambit ng ating bida. Mas mainam pa ang batang iyon kaysa sa iyo.

Malalim na pag-unawa

Kapag gumising ang kamalayan ng isang tao ay uumpisahan na nitong kulitin ang taong iyon. Magtatanong ito ng mga Bakit at Paano, paulit-ulit, makulit. Sa kasamaang palad, patuloy rin tatakpan ng kaligayahan, kalungkutan, pagod, at ang mithiin ng pansariling tagumpay ang kamalayan. Ipit ang boses, hindi naririnig at ayaw pakinggan. Tanging malalim na pag-iisip lang ang magkapagdurugtong sa kamalayan at sa tao.

Medyo palubog na ang araw. Wala nang halos dumaraan. Napansin ng ating bida na bawat nagdaraan ay nagtatakip ng ilong.

Mga tanga, ngayon lang ba ninyo napansing may bangkay sa ilalim ng tulay?

Walang saysay kung magalit siya, sumigaw o anupaman. Hindi naman siya maririnig. Isa siyang bato at walang makaririnig sa mga bato.

Marami akong nais sabihin at ipayo. Alam kong makatutulong ako sa kabataan naliligaw ng landas. Pero pipi ako sa kanila. Walang saysay ang mga kuru-kuro ko dahil hindi naman nakararating sa dapat patunguhan.

Sa kanyang lumbay ay di niya napansing may bagong naupo sa kanya. Naka-indian seat ito at may hawak na papel at panulat. Dinig ng ating bida ang pagkayas ng bolpen sa papel. Tahimik ang dalaga’t nagsusulat nang walang maliw.

Nagsusulat ka ba Ineng? Tanong ng ating bida. Para saan kaya yan? Sayang di ko mabasa. Gusto ko ang mga taong nagsusulat. Magkatulad kasi tayo.

Hindi pinakikinggan.

Para san ba yan?

Alam ng bato na hindi siya sasagutin ng dalaga. Pero nagkamali siya.

“Para sa bayan.”

Hindi makapaniwala ang ating bida. Narinig niya ako?

“Para sa kamulatan ng mga kapwa kong kabataan. Para sa paglalahad ng damdaming makabayan. Para sa paggising ng mga natutulog na kamalayan.”

Namangha ang bato. Kundi lang siya bato…

Sa unang pagkakataon sa kanyang buhay, mangiyak-ngiyak siya.

“Alam kong ipit ang tinig ng manunulat, lalo pag ang kanyang sinusulat ay hindi ayon sa mga nais masulat ng mga makapangyarihan. Tanggap ko yon. Pero hindi ako titigil. Naniniwala ako sa kapwa ko, at nagtitiwala ako sa kapangyarihan ng aking panulat. Darating ang panahon na may makaririnig sa akin, pakikinggan ang aking mensahe, at ibabahagi ito sa iba. Marami iyong kapalit. Pangarap, salapi, marahil pati buhay. Pero di ako titigil. Balang araw ay may makikinig sa akin.

Ibang saya ang naramdaman ng bato. Para siyang nabuhayan ng loob, nagkaroon ng pag-asa sa isang lipunang nalulugmok na sa pagkasira.

Sa unang pagkakataon ay nagkaroon siya ng tiwala sa mga tao. Sa unang pagkakataon ay naramdaman niya kung paano maging tao.

Kahit na isa siyang bato.

Hangga’t may kabataang tulad mo, di dapat akong mawalan ng pag-asa o tiwala. Isa kang mabuting tao. Tunay na bayani.

Napangiti ang dalaga. Ito ang lalong nagpainit sa puso ng bato.

Nagpatuloy ito. Sa ilalim ng tulay ay may sawimpalad na binatang nahulog sa batis at namatay. Kanina pa siyang umaga diyan at walang nakapapansin sa kanya. Pakitignan mo naman kung kakilala mo at kung hindi man ay tumawag ka ng kahit sinong makatutulong.

Tumindig ang babae at lumapit sa kinaroroonan ng bangkay.

Mukhang nauunawaan mo ako. Salamat.

Agad napansin ng dalaga ang umaalingasaw na amoy. Upang makitang mabuti kung ano ang nasa ilalim ng tulay, kumapit ang dalaga sa ilang mga batong nakausli sa lupa at bumaba sa batis.

Katahimikan. Tanging mga huni lang ng ibon ang maririnig at mga awit ng kuliglig.

Nanginginig na umahon ang dalaga at tumakbo pabalik sa sementadong daan. Agad itong tumawag ng pulis. Gabi na. Pinanood ng bato ang mga pulis habang inaahon nila ang namamaga nang katawan, habang nagpapalahaw ang isang babaeng mukhang ina ng bangkay. Pinanood ng bato ang dalawang babaeng hindi makapagsalita, ang babaeng nanginginig sa takot, at ang lalaking napaluhod at napahagulgol. Pinanood ng bato si Ruben na tahimik na pinanonood ang mga pulis habang sinusuri ang katawang iniahon. Pinanood ng bato ang dalagang—iyong napamahal sa kanya—habang minarkahan ng isang luha ang kanyang porselanang mga pisngi.

Tinignan ng pulis ang ID ng bangkay. Nakasuot pa ito sa kanyang leeg. Nakasulat sa puting kard na iyon ang kanyang pangalan.

Mabuti siyang tao. Dapat siyang tularan, sambit ng bato, habang namumuo ang isang malaking uka sa kanyang ibabaw. Iyon ang simbolo ng kanyang pagyuko, simbolo ng kanyang respeto para sa namatay.

4 comments:

Dr. louis said...

Nais mo bang ibenta ang iyong kidney?
Naghahanap ka ba ng isang pagkakataon upang ibenta ang iyong bato para sa pera dahil sa pagkasira ng pananalapi at hindi mo alam kung ano ang gagawin?
Pagkatapos ay makipag-ugnay sa amin ngayon sa pamamagitan ng dr.louisclinic@gmail.com at bibigyan ka namin ng magandang halaga para sa iyong Bato dahil madali naming kailangan ang bato sa aming klinika o tumawag sa +918704214690
email: dr.louisclinic@gmail.com
whatsapp: + 1- (725) 2017759
Presyo: $ 650,000usd

DR Ravi said...

Ibenta ang iyong bato dito ngayon sa halagang 300,000 euro. Para sa karagdagang detalye makipag-ugnay kay Dr Sunaj sa Columbia Asia Hospital na may mga detalye sa ibaba.


Whataspp: +917204719376


Whataspp: +917204719376

sunajkidneyfundation@gmail.com
Dr Sunaj

DR Ravi said...

Ibenta ang iyong bato dito ngayon sa halagang 300,000 euro. Para sa karagdagang detalye makipag-ugnay kay Dr Sunaj sa Columbia Asia Hospital na may mga detalye sa ibaba.


Whataspp: +917204719376


Whataspp: +917204719376

sunajkidneyfundation@gmail.com
Dr Sunaj

Anonymous said...

Ito ay isang pangkalahatang pahayag sa publiko mula sa Mayo Clinic at interesado kaming bumili ng mga bato, kung interesado kang magbenta ng isang bato, mabait makipag-ugnay sa amin nang direkta sa aming email sa ibaba sa
mayocareclinic@gmail.com
Tandaan: Ito ay isang ligtas na transaksyon at garantisado ang iyong kaligtasan.
Mabait na magpadala sa amin ng isang email message para sa karagdagang impormasyon.