introduksyon

1 tasa kinaskas na yelo 2 tbsp minatamis na saging 1 tbsp pinipig 1 tbsp ube 3 tbsp sago (kulay pula) 3 tbsp gulaman (kulay green) 1 tbsp monggo 2 tbsp sweet beans 2 tbsp nata de coco 1 tbsp minatamis na langka 2 tbsp asukal 1 scoop ube ice cream 3 tbsp gatas *maaring lagyan ng leche flan sa ibabaw halo-halong emosyon. halo-halong karanasan. iba-ibang tao. iba-ibang pagkatao. malamig. masarap. nakakangilo. ganyan kami. labo-labo. halo-halo. mura lang. bilhin n'yo. alex. angel. jau. josh. suzette. lahat tao. para sa tao, panitikan at lipunan. kay ser mykel. tao rin. labo-labo. halo-halo. tikman n'yo.

Wednesday, May 16, 2007

mAlinAmnAm nA gAtAs at Aming mga personAl na kArAnAsAn

Heto ang mga sanaysay na hango sa kuwento ng tunay na buhay--buhay na misan'y masaya, minsa'y masalimuot, minsa'y totoong-totoo, minsa'y parang fantaserye, teleserye y sinserye, minsa'y ipagbubunyi, minsa'y isusumpa, minsa'y ipagpapasalamat, at minsa'y i-rerewind at i-flaflashback. Ganyan ang ginagawa namin dito: tinitignan ang rekord buk ng buhay at sinusuri ang mga pahina. Dito'y makikita mong sinusuri ang mga pangyayaring humuhugis sa tao, panitikan at lipunan, mga pangyayaring ginagawan namin ng sariling pananaw. Iba-iba, halo-halo. Tulad niyang kinakain mo. O di ba, ang dami? Nakakapangalahati ka pa lang. Dito rin, marami kang mapupulot. Samut-sari, daig pa ang store na sari-sari. Mga orig na ideya from yours truly...
sanaysay

Habang ika’y natutulog… ni Suzette Dagli Masaya siguro kung lahat ng paniginip ay natatandaan natin sa paggising at maari nating balikan lahat ng alaaala—mga nangyari sa buong magdamag na sa ating isip lamang naganap. Panaginip ang tanging alaala na ikaw lang ang tanging nakaaalam, isang sikreto na mapapangiti ka sa tuwing aalalahanin. Sa panaginip lang nangyayari ang mga bagay na matagal mo nang inaaasahang mangyari sa totoong buhay at ang masasabi mo na lang ay sana nga magkatotoo. Mayroon din namang mga panaginip na idinadalangin natin na sana ay manatili na lamang sa panaginip dahil kahit sa panaginip ay natakot, napatakbo, napahagulhol at napasigaw ka.

Sabi nila sa panaginip daw naisasalarawan ang mga hidden desires, takot, at mga bagay-bagay na naglalaro sa kaibuturan ng ating isipan. Kaya nga magtataka ka, minsan mapapanaginipan mo na lamang ang isang tao na kapag gising ka naman ay hindi man lamang sumasagi sa isip mo at pati ang mga bagay at lugar na di mo pa nahahawakan at napupuntahan ay lumalabas sa iyong mga panaginip. Hanapan man ng iyong malay ng isipan ng dahilan o kasagutan ang mga bahagi ng iyong panaginip na natandaan sa paggising ay minsan talagang walang connect. Kahit ganoon, ang panaginip ay mananatili pa ring bahagi natin at ekspresyon ng sarili at kaluluwa.

Nais kong ibahagi ngayon ang aking mga panaginip. Sa totoo ay hindi naman ito ang unang beses na idadaldal ko ang mga panaginip ko dahil ito ang paborito kong ikuwento sa mga kaibigan at kakilala. Minsan nga dahil sa sobrang bigay na bigay ako sa pagkwe-kwento ay na-lolost na sila kung panaginip pa ba ang kwento ko o totoong pangyayari na. Marahil sa pagbabahagi ko ng aking mga panaginip ay mailarawan ko rin ang aking sarili at maging ang mga pangyayari sa aking paligid. Sa lalim ng gabi o katanghalian man, ang mga panaginip na naglalaro sa aking di-malay na isipan ay maaring may kaugnayan pa rin sa malay at gising na mundong aking ginagalawan.

Hindi ko maipapangako na maidetalye at saktong maikwento ang aking mga panaginip pero sisikapin kong alalahanin. Pakatatandaang hindi ko nais na magbigay ng lohikal na paliwanag o siyentipikong basehan. Ang nais ko ay magbahagi ng mga kwento na sa aking isipan ay naglaro minsan sa kawalan.

Ang mga panaginip kalimitan naman talaga ay weird at sa totoong buhay ay di mo maiisip na maaring mangyari. Iyan ang katangian ng panaginip na nagpapaiiba rito sa kahit anong likha ng ating isipan dahil sa kawalan natin ng kontrol sa mga pangyayari.

Ako ay nasa Hong-Kong, nagshoshopping, paggala-gala sa isang mahabang kalye ng tiyangge. May change costume effect pa, at bigla na lamang napalitan ang damit ko ng kulay gold na baloon na palda at fuschia (Ganito ang alam ko na spelling noong napanaginipan ko ito.) pink na halter top. Bigla na lamang nagkagulo habang naglalakad ako at ang isa kong pinsan, yata. Pagkatapos ay kinailangan naming sumakay ng isang bangka na nang huminto ay nasa Vietnam na raw kami. Wla naman talagang nagsabi na Vietnam iyon pero basta alam ko na nasa Vietnam kami. Hindi ba ganoon naman talaga minsan basta lam mo lang? Nag-change costume na naman ako at ngayon ay fatigue naman, kumpleto may hard hat pa at grasa sa mukha. Nagpuputukan at patakbo-takbo ako nang nag-iisa, nawala na ang kasama ko. Pagkatapos ay kinailangan kong magtago dahil sa mainit na palitan ng putok.May isang bundok sa panaginip ko na may uka sa tabi at doon sa uka ako nagtago habang sa ibabaw ng bundok at sa paanan ay nagpapalitan ng putok. Ako naman ay nagtatago at pabaril-baril rin.

Hindi lamang isang beses akong nanaginip na ako ay isang sundalo. Dati ay nanaginip na rin ako pero dito naman sa Pilipinas nangyari. Dahil dito ay naiisip ko tuloy na kung totoo iyong sinasabi na past life, ay baka isa akong sundalo dati sa ibang panahon. Pero bukod dito ay malimit ko rin mapanaginipan na ako ay nasa peligro, may humahabol na tao, aso na kahit maliit ay sobrang bilis tumakbo o kinidnap ng kung sino tulad ng susunod na panaginip na ibabahagi ko.

Ang tagpuan naman nito ay ang bahay namin at paligid nito. Nagkaroon daw ng bangin sa pagitan ng kusina at living room namin at sa kabilang panig, sa may kusina’y iginapos ako ng ninang ko. Nahihirapan ako sa pagkakagapos sa akin at pinipilit kong gumalaw. Hanggang sa makatakas ako at tumalon patawid ng bangin Oha! Ang galing! Ngunit hinahabol ako ng ninang ko palabas ng bahay, sa kapitbahay, sa likod-bahay at balik na naman sa loob ng bahay namin. Naabutan rin niya ako dahil sa hindi na ako makatakbo sa pagod at muli ay itinali niya ako. Isa itong kidnap pero sa loob ng bahay namin, at nasaan nga ba ang mga magulang ko?

Maraming-marami pa ang panaginip ko na may habulan at krimen pero mas maraming-marami pa ang mga panaginip na nakakatawa, purong kalokohon at mga kilig moments. Ito iyong mga panaginip na hindi ko maintay na ikwento at kahit matagal ko nang napanaginipan at konti na lang bahagi ang aking natatandaan ay napapangiti pa rin ako.

Sa panaginip ang first kiss ko. Sa isang tree house ay nagkita kami ng kaklase ko noong elementary at doon ay nag-kiss. Ang aking first kiss…isang panaginip. Pero kahit sa panaginip ay hindi ako makapaniwala na iyong boylet na iyon ang hahalikan ko at wala akong naramdaman na spark. “It’s just a kiss. It meant nothing.”

Ang cellphone na katabi ko sa pagtulog, pati sa panaginip ay sumasama. Sumama ito hanggang sa aking intestine. Nawala ako sa sarili at kinain na para bang iyong chocolate na hugis piso at may balot na gold na ayokong magusot dahil ang pwedeng gamitin sa tinda-tindahan. Nginuya at di namalayang nalunok ko ang aking cellphone. Maya-maya ay tinanong ako ng aking ina kung nasaan ang cellphone ko at hindi ko siya masagot. Shet! Nakain ko yata! Nagtataka ako kung paano ko iyon nanguya at nilunok. Natakot ako na baka ikamatay ko iyon. Pero parang mas natakot ako dahil hindi na ulit ako ibibili ng phone at paano na ang mga contacts ko? Ang mga pictures? Umiyak na lang ako.

Ang pinakanakakainis na panaginip sa lahat ay ang panaginip na gumising ka na, bumangon at nataranta dahil huli na sa pagpasok sa klase. Kung kailan naman ako nagmamadali ay kung anu-ano ang aking nabangga, kung sinu-sino ang nakasalubong na tao. Sumabit na ako sa tricycle para lang di mahuli at pagkatapos pagdating ko sa iskul ay saka ko lang napansin na hindi pa pala ako naka-palda at naka-shorts pa lang na pang-ilalaim. Bumalik na naman ako sa bahay tapos nasira naman ang zipper ng palda ko. Nagmamadali akong bumalik sa iskul at pagdating ko ay tapos na ang flag ceremony pati first class kung saan ay may exam.

Whew! Stressful!

At magigising na ako, pagod at stressed kahit kakagising pa lamang.

Minsan kahit ang panaginip nakakasakit ng damdamin. Humahabol ka at di ka papansinin parang sa totoong buhay.

Kinailanagan ng tulong ng isang prof sa socio para sa research. Kumukuha ako ng socio electives sa totoong buhay. Kasama ko sa isang silid sa FC ang aking groupmates at mula sa loob ay narinig namin na may nagpapa-oral exam sa labas. Sumilip ako sa pinto at nakita ko ang isa ko pang prof sa socio na kausap ang isang estudyante, ang aking crush. “Oh my goodness! Sobrang meant to be!” naisip ko. Pumasok ako muli sa silid at hinintay na matapos ang exams. Nang marinig ko na tumahimik na ay dali-dali akong lumabas at hinabol si Crush. Para bang sobrang laki ng FC noon, ang daming pasikot-sikot at lagi akong naliligaw. Sa wakas ay naaninag ko na rin ang kanyang likod. Binilisan ko ang hakbang, suot ang pink na tsinelas na platform ang style at sa pagmamadali ko ay nadulas ako ngunit napigilan ko namang bumagsak at napasigaw. Lumingon siya pero nakita kong walang kahit anong reaksyon sa kanyang mukha at nagpatuloy sa paglalakad palayo. Ako nama’y natulala, nalungkot at marahang naglakad pabalik.

May mga panaginip naman na classic. Gaya ng panaginip na umiihi na sa toilet pero nasa kama pa pala o kaya naman ay nananaginip ng waterfalls at kasabay ng pagbagsak ng tubig sa waterfalls ay ang pag-agos ng mainit na tubig na siyang gigising sa’yo. Isa pang classic ay ang pagkahulog sa tulay. Ilang bese ko nang napanaginipan na nahuhulog ako sa tulay, doon sa tulay malapit sa bahay ng lola ko, sa mahabang tulay sa ibabaw ng malaking ilog sa Batangas, sa tulay sa aming bayan na nasa ibabaw ng polluted na ilog at sa iba pang tulay na kahit kailan ay di ko panakikita sa buong buhay ko. Ang kakaiba sa panaginip na nahuhulog sa tulay ay ang pakiramdam ng pagkahulog. Iyong pakiramdam na tulad nang ‘pag nakasakay ka sa Anchor’s Away. Sa paggising mo ay ay para bang bumaba ng isang metro ang kama mo at mahuhulog ka o kaya nama’y lumutang ka ng isang metro, basta nahuhulog ka.

Marahil ay nagtataka ka kung bakit natatandaan ko pa ang mga panaginip na ito. Ang iba sa mga nabanggit ko ay matagal ko nang napanaginipan pero dahil memorable ang pangyayari ay hindi ko agad makalimutan. Siguro rin dahil sa mga panaginip na ito nabubuhay ang imahinasyon, ang aking “wild imagination” pati na rin ang mga pangarap ko sa buhay. Meron din akong mga panaginip na malungkot at tungkol sa mga bagay at pangyayaring kinatakutan ko. Sa panaginip rin pala nabubuhay hindi lang ang ating imagination pati rin ang ating kahinaan.

Ang panaginip na habang tulog ay parang sobrang totoo at inaasahan mo, lalo na kapag masaya ang panaginip, na matandaan ang bawat detalye ngunit sa pagmulat ng mata mo ay bigla na lang wala ka nang maalala o kung meron man ay para magsilbi lang na malabnaw na paalaala. Katulad ng masasayang pangyayari sa tunay na buhay na kahit anong saya at ganda ay matatapos rin at ang matitira ay alaala na lamang. Ang mga malulungkot at nakaktakot na panginip naman ay parang mga di magagandang nangyayari sa ating buhay na hangga’t maari ay ibinabaon na natin sa limot. Ngunit ang tunay na buhay at ang panaginip ay lubusan pa ring magkaiba dahil ang panaginip ay hanggang panaginip lamang, habang natutulog at likha lamang ng ating isipan na di tulad ng tunay na buhay na hindi ako o ikaw lang ang may gawa kundi pati ang mga taong nasa paligid natin. Ang ibang tao sa tunay na buhay ay maari tayong samahan, pakialaman, alagaan, saktan, tulungan at pakitaan ng pagmamahal.

Marahil ipinagkaloob ng Diyos sa isipan at sa buhay ng tao ang panaginip upang kahit sa ilang sandali ay madama natin ang mga emosyon at ilang karansan na sa ingay at gulo ng buhay ay di natin madama at di na lubos maranasan. Marahil rin ay may mga kahulugan o mensaheng ipinaparating ang mga panaginip gaya nang sinanasabi ng mga eksperto. Hindi man natin matiyak kung bakit nga ba ganoon o ganyan ang mga panaginip natin tulad ng sa akin ay may natatangi pa rin itong halaga sa buhay natin. Ang panaginip ang isang bagay na tunay na sa akin, tunay na nagyari at tunay na nadama sa hindi tunay na pagkakataon, lugar at panahon.

dsifhoih

FILIPINO TIME

Junicynth Paula "Jau" Agon

Isa sa napakapangit na kinagawian nating mga Pilipino ay ang pagiging lagi nang huli sa takdang oras na pinagkasunduan. Karaniwan nang ang isang palatuntunan ay hindi nasisimulan sa oras na dapat ipangsimula dahil sa wala pa ang panauhing pandangal o kaya'y ang punongabala ng palatuntunan; gayon din, kulang pa rin ang mga tauhang magsisiganap, o kung hindi naman kaya'y wala pa rin ang madlang siyang dapat sumaksi sa palatuntunan kung kaya't naaantala tuloy ang lahat. Sa mga tanghalang pangmusika, tulad ng opera, konsiyerto, resital at iba pang kauri ng mga ito, aya isang karaniwan nang pangyayari ang pagiging lagi nang huli ng madlang manonood. Gayon din sa papupulong ng iba't-ibang samahan, kapatiran o kapisanan, kahit na nga ang mga ito'y binubuo pa ng mga taong wika nga'y may sinasabi o pinag-aralan, ay napangawitan na ng marami sa atin ang dumating nang huli sa pinagusapang oras. Ito ang sanhi kung bakit nagging palasak na ang bukambibig na "Filipino time," o Oras Filipino, na ang ibig sabihin ay sira, walang katiyakan pagka't lagi nang atrasado.Tunay na nakatatawang-nakakaawa para sa isang bansang katulad ng sa atin na naghahangad na magkaroon ng isang marangal at mataas na kalagayan sa lipunan ng mga bansang bihasa t malalaya kung maringgan natin ang ating mga kababayan ng gaya ng mga sumusunod na pananality: Hoy, mamayang ika-pito ng gabi, "American time;" "Partner, baka mahuli ka sa takdang oras, hindi Filipino time ang usapan natin;" o kaya'y "Ayoko ng Filipino time, usapang maginoo ito, ha?" at marami pang katulad nito na ang ibig sabihin ay dahop na dahop sa pagkamaginoo at hindo dapat pagkatiwalaan ang isang Pilipino dahil sa siya'y marunong tumupad sa oras na napag-usapan. Sa ganitiong pangyayari, na ang oras ng mga Pilipino o "filipino time" ay sira at walang kaganapan, ay maaari rin naming sabihin na ang mga Pilipino pala ay sira na katulad ng ating orasan ay ano naman kaya ang hinaharap ng isang BANSA na ang mga mamamayan ay palagi nang sira at walang katiyakan sa pagtupad napagkasunduan.

opinyon

Halalan Bente Siete..

ni Joshua Lorraine Soriano

Eleksyon nanaman! Mapupuno nanaman ng mga poster ng mga tumatakbong politiko ang aming mga pader. Magiingay nanaman ang mga supporters ng mga kandidato tuwing umaga isisigaw ang mga pangalan at kung saan tumatakbo ang kanilang kandidato. Puro kalat nanaman ang harap ng bahay dahil sa mga flyers na ipapakalat ng mga nagtratrabaho sa kanila. Makakasabay nanaman sa simbahan ang mga nangangandidato. Iba ang eleksyon sa taon na ito dahil rehistrado na ako. Makakaboto na ako. Dahil dito masnaging aware na ako sa kung sino ba ang dapat iboto. Araw-araw ako nagbabasa ng dyaryo at nakikinig sa mga usapang pelikula. Sa aming tambayan sa U.P halos araw-araw napaguusapan ang mga nangangandidato. Marami ako nalaman tungkol sa kanila, ang ilan daw ay mga jueteng lords, karamihan ay kurakot, iba naman ay may ari ng isang porn na babasahin, ang iba naman ay mga bababero, ang iba naman ay may dalawang asawa. Nakakagulat ang mga impormasyon na ito. Bakit ganito ang mga tumatakbong kandidato? Hindi ba dapat hindi lang pamumuno at pagsisilbihan sa bayan ang gawin ng mga ito, hindi ba dapat role models sila sa kabataan. Nakakadismaya ang kaalamang ito. Ano a ang rason kung bakit tumatakbo sila sa politika? Sa isang artikulo na naisulat ng isang propesor ng U.P sinabi niya na karamihan ng mga nangangandidato ay tumatakbo para protektahan ang kanilang yaman. Protektahan ang kanilang yaman? Ang ibig sabihin ba nito ay mangungurakot sila para magkapera dahil sa pagkakaalam ko mababa lang ang sweldo ng mga politiko. Nag-iba ang pagtingin ka sa polotiko ng malaman ko ang mga bagay-bagay na ito. Huling linggo na ng pangangandidato. Nagaapura na ang mga tumatakbo. Nilalabas na nila ang kanilang last hoorah. Sa aming bahay may kumatok na supporter ng nangangandidato at namimigay sila ng mga pamalengke. Hindi ba bawal ito? Ang palusot pa nila ay generous lang daw talaga ang kanilang kandidato. Hindi daw ito madamot. Ang pinsan ng aking kaibigan ay nagtratrabaho bilang coordinator ay namimigay sila ng pera sa mga botante. Para daw mahikayat nila ito iboto ang kanilang amo. Hindi ba dapat ang mga botante ang pumili ng kanilang mga iboboto? Yun na nga lang ang kanilang magagawa bilang parte sa paghalal sa mga tauhan sa gobyerno. Hindi ba ito uri ng pangungurakot? Ang sabi nila kaya daw grabe ang pangungurakot sa ating bansa ay dahil sa ating kasaysayan na ganito ang ginagawa ng mga Espanyol noong sila ay namuno ditto. Namana daw natin ito. Totoo na may kinalaman ang mga nangyari noon sa mga nangyayari ngayon. Malaki talaga ang kinalaman ng kasaysayan sa nangyayari sa kasalukuyan. Pero hindi ba ang depinisyon ng kasaysayan ay “ang mga pangyayari noon para maintindihan ang kasalukuyan at mapaghandaan ang hinaharap.” Bakit parati na lang natin tinatanggap ang kasalukuyan laging dahilan ang kasaysayan? Sasabihin na sa hinaharap na natin lutasin ang problema ng kurapsyon at pandaraya sa eleksyon. Tapos ang hinaharap ay magiging kasalukuyan na at wala pa ring pagbabago na nagyayari. Sana ang huling eleksyon na ito ang gagamit ng kadayaan para manalo ang mga kandidato. Sana sa susunod bigyan na ng mga ito ng kalayaan ang mga mamboboto na iboto ang kanilang nais iboto na sa tingin nila ang may karapatan sa puwesto at respetuhin sana ito ng mga nangangandidato. Ras na para tuluyan ng isulong ang pagbabago. Sana mamulat na ang mga tao maslalo na ang kabataan sa kung ano ba ang tama sa mali at kung ano ba ang dapat gawin na pamumuno sa ating inang bayan.

hango sa karanasan

HA?

ni Aja Gulto

Labing-isang araw na lang, hindi na ako isang tineyjer. Haay, ang bilis ng panahon, dalawampung taon na pala akong naglalakbay sa mundo, sakay ng payat (ngunit maganda) kong katawan (tengkyu Lord). Hehe… Bakit ko ba kailangang sabihin pa sa inyo ang buhay ko, e wala naman kayong pakialam kung sino ako? Kung ano itong pinagsasasabi ko? Kung tiga-saan ako? Kung ano ang pakay ko sa pagsulat nito? E hindi n’yo naman kasi alam na estudyante ako ni Ser Mykel sa Humanidades 1 ngayong tag-init ‘07 e (kunin n’yo ‘yung sabjek na ‘to ha, maganda, pramis!).

Maiba ako, sino nga pala kayo, ha? Bakit ko ba kayo kinakausap e hindi ko nga pala kayo kilala? At bakit naman kayo nakikinig e ilalabas n’yo rin naman sa kabila n’yong tainga ang mga sinasabi ko, este ilalabas n’yo rin sa kabila n’yong mata ang nababasa n’yo? Makulit ba ako? Marami ba akong tanong? E sa hindi ko kayo maintindihan e. Hindi ko nga rin yata naiintindihan ang sarili ko e, at kung bakit ko ba ‘to ginagawa.

Siguro naiinip na kayo kakabasa nito, no? Sori na lang ho, kasi alam kong kung sinuman ang bumabasa nito ngayon e kailangan mo talagang basahin ito, ‘di ba? Ang dami kong tanong, alam ko ‘yun. Marami rin siguro kayong tanong, no? Aminin! Oo na, makulit na ako. Siguro ganyan talaga ang buhay, walang saysay ‘pag wala kang tanong. ‘Pag may tanong, ibigsabihin may sagot. ‘Pag may sagot, ibigsabihin dapat hanapin ito para matapos na ang pagtatanong. ‘Pag tapos na ang pagtatanong, matulog ka na. Ibigsabihin lang nun e wala ka nang silbi sa mundo, ika nga nila “tapos na ang misyon mo sa mundo.”

Para sa akin, ang mundo ay isang malaking tanong at lahat ng nasa mundo’y may kani-kaniyang tanong, at bawat isa sa atin ay mga tanong mismo. Ang gulo, no? Baka naman iniisip n’yong hangga’t may tanong ang isang tao, at hangga’t nananatili siyang isang tanong ay mananatili siyang buhay para hanapan ang mga tanong niya, maging ang kanyang sarili ng kasagutan. Hindi, dahil hindi naman talaga natin alam kung kailan matatapos ang ating buhay. Marahil iniisip n’yo ngayon ‘yung mga taong pumanaw na kung nahanapan na ba nila ng sagot ang lahat ng mga tanong nila kaya natulog na sila. Hmm, hindi lahat. Ang pagkakaroon ng mga tanong, at ang pagiging isang tanong ay nasa iyong kamay. Desisyon mo iyan, at hindi itinakda ng tadhana. Mayroong natutulog nang hindi nalalamang tanong pala sila at hindi nasasagot lahat ng kanilang mga katanungan. Kagustuhan nila ‘yon.

Alam n’yo, ako ‘yung tipo ng taong malihim. Hangga’t maaari gusto kong maging misteryo sa mga taong hindi naman talaga malapit sa aking puso. Pero mali pala ‘yon. Masamang ipagdamot ang buhay, baka kasi nasa ibang tao ang kasagutang hinahanap ng ibang tao. Kaya dapat itong ibahagi, kung anuman ang meron tayo, ipakita’t payamanin natin. Minsan nga, naiisip ko kung gustoko ba talaga masagot lahat ng tanong ko? Minsan, parang ang gusto ko na lang ay maging sagot sa tanong ng iba, kaysa manatiling isa akong tanong habangbuhay.

Isa lang ang nasisiguro ko: hindi ako mananatiling tanong habangbuhay. May buhay ako. Tao ako. May damdamin. Nag-iisip. Kritikal. Kaya kong kumilos. Tulungan n’yo ako. Baka kayo ang sagot sa mga tanong ko. May buhay tayo. May pag-iisip. May damdamin. Kumilos tayo.

Ngayon na, habang gising pa tayo…

mismo, realidad

Cyber Love Affair

ni Alexandra Gabrielle Francisco

Mayroon akong karelasyon.

Kapag narinig ito ng mga magulang ko, malamang ay mahaba-habang sermon ang matitikman ko. Kapag nalaman ito ng mga kaklase ko noong hayskul, baka atakihin sila sa puso at mawalan ng ulirat sa sobrang pagkagulat. Kapag nalaman ito ng mga kaibigan ko ngayon sa kolehiyo, hindi nila ako titigilan sa panunukso at pang-aasar na “Uy, meron na si Alex!” At nais kong linawin na ayaw na ayaw ko na ginagawa sa akin iyon.

Kaya naman bago magkalabuan, at baka kasi isa ka sa mga nabanggit ko, lilinawin ko na.

Gusto mo bang ipakilala ko siya? Puwes, Pumunta ka sa isang computer shop o di kaya’y internet cafĂ©, at humarap ka sa isang—ano pa nga ba?—computer. Pagkatapos, magbukas ka ng window ng Internet Explorer, Mozilla Firefox o kung anumang ginagamit na web browser ng computer na iyan. Presto! Nakilala mo na siya.

Siya ang aking karelasyon. ANG INTERNET.

Mahaba, masalimuot, at makulay ang aking pakikipagrelasyon sa Internet. Higit pa sa kaibigan ang turing ko sa kanya. Siya ang aking katiwala, confidante, at personal assistant. Naging kanang kamay ko siya sa maraming gawain, sa ngalan ng eskwela, sa ngalan ng kamalayang panlipunan, at higit sa lahat, sa ngalan ng anime! Totoong marami na kaming pinagdaanan sa loob ng limang taon na nakilala ko siya. Siya ay aking nakilala, nakasundo, nakaaway, naka-MU, nakalaro, nakaututang-dila, at higit sa lahat ay naasahan. Ito ang aming kuwento.

Una at Ikalawang taon

Unang taon ng hayskul. Unang taon ng aking pakikipagkilala sa Internet. Unang linggo ko noon sa aking bagong paaralan.

Noong nalaman ng isa kong kaklase na hindi ko pa nakikilala ang Internet, nagulat siya at tinanong, “Eh, pa’no mo ginagawa ang mga assignment mo?”

Ang sagot ko naman, “E ‘di sa mga libro.” Matalino ang tingin sa akin ng mga bago kong kaklase. Mahilig daw kasi ako sa mga libro.

Ang problema nga lang ay wala akong makitang libro na makatutulong sa akin sa paggawa ng itinakdang proyekto sa amin, na dapat ay ASAP ang paggawa kung ayaw mong maging hilong-talilong sa pagcram. Isa lang ang tanging solusyon.

Ang magpakilala at makilala siya.

Kaya naman sumama ako sa kaklase kong mukhang marunong sa pasikut-sikot ng Internet upang magkaroon naman ako ng gabay sa aking unang pakikipagkilala. Parang ganito. Mahirap naman kasi kung susugod ka na lang sa isang parti ng isang taong di mo pa nakikilala, lalong-lalo na kapag nag-iisa ka. Kaya naman wais na ang magpasama sa isang taong nakilala na ang nagdaraos ng parti.

Iyon ang unang-unang pagkakataong nakilala ko ang Internet. Bago iyon, nakakaharap ko lang ang computer kapag Computer subject namin (na kung saan wala naman kaming ibang ginagawa kundi mga application ng MSWord at Excel, at paglalaro ng computer game na Sky). Siguro bago ako tumapak ng hayskul ay mga dalawa o tatlong beses pa lang ako nakakahawak ng computer sa mga internet shop, at wala pang Internet. Kaya naman talagang kailangan ko ng gabay sa una kong pakikisalamuha sa Internet. Kaya nga nagpasama ako sa kaklase ko.

Kaso, hindi iyon ang nanyari. Abala rin siya sa pagsasaliksik para sa kanyang proyekto. Di ko naman maistorbo. Kung susumahin ko ang unang pagkakataon na nakilala ko ang Internet sa isang salita, ang salitang pipiliin ko ay kahihiyan. Una kong hinanap ang talambuhay ni Nick Joaquin. Napunta ako sa site ng Yahoo Mail. Tinayp ko sa unang kahong maaaring pagtaypan ang pangalang Nick Joaquin. Tapos kinlik ko ang Sign In. Nanginginig pa ang mga daliri ko habang ginagamay ang mouse. Hinintay ko ang resulta.

Enter your password, maliban pa sa ibang bagay na di ko na maalala.

Mga sampung minuto rin ako bago ko natantong dapat ay palitan ko ang URL ng site (at dati, hindi ko pa alam na URL ang tawag doon). Naawa na rin ang kaibigan ko at tinayp niya ang tamang site, www.yahoo.com. Hay, sa wakas, nakapag-umpisa rin. Ilang minuto lang at kahit papaano ay alam ko na ang ginagawa ko. Tayp. Basa. Skim. Klik. Basa uli. I-drag ang mouse at mag-right click. Iniisip ko, “Basta sundin ko lang ang sinabi niya.” May lumabas pang isang kahong naglalaman ng Cut, Copy, Paste, Select All, liban sa iba pa.

Ano nang gagawin ko?

First instinct: Hanapin ang kaibigan ko. Dapat nasa may gawing kanan ko lang siya e. Pagtingin ko’y wala na! Umuwi na ata. Hindi ko na sigurado kung anong gagawin.

Second instinct: Magtanong sa iba kung anong gagawin. Lapit ako kaagad sa counter at tanong sa kuya doon. Sabi ko, “Kailangan ko po itong i-print.”

Alangang matatatawa na maasar na mang-aasar ang kuyang nagbabantay. Hinaylayt niya ang mga linyang tinuro ko at kinlik ang print sa kahong kinasusulatan rin ng Cut. Binayaran ko ang pahina ng limang piso at umuwi.

Huwag kang mag-alala. Nang maglaon naman (ang ibig kong sabihin ay kinabukasan) ay natanto ko na rin ang kalinangan ng Copy-Paste sa MSWord.

Ito ang umpisa ng mahaba kong pakikipagrelasyon sa Internet. Sa dami ng pinasasaliksik sa amin na hindi makikita sa libro sa silid-aklatan namin, naging takbuhan ko ang Internet para sa mga takdang aralin na hindi ko alam kung saan mahahagilap. Wala pa ako noong sariling computer, kaya lagi akong umaakyat sa second floor ng isang grocery store na malapit sa amin dahil doon nakapuwesto ang computer shop na kung saan nagkikita kami ng Internet. Doon ako gumastos ng di biru-birong oras (at di rin biru-birong pera) sa paggawa ng mga takdang aralin at proyekto na nangailangan ng matinding pagsasaliksik. Doon ko naranasan na mag-hang ang computer na ginagamit ko, mag-restart ng computer dahil kinakailangan, lumipat ng ibang computer dahil matagal mag-restart iyong computer na ginagamit ko, at umulit mula sa umpisa dahil lubusan nang nagpaalam ang natapos ko na sa aking pagsasaliksik. Doon ko rin naranasan ang bumili ng sandamakmak na diskette bilang lalagyan ng mga files na natipon ko. Madalas kong isumpa ang mismong computer na ginagamit ko, pero madalang ko sisihin ang Internet. Kasalanan ba niya kung isinumpa ata ako ng mga diyos ng computer at lagi silang nagloloko kapag ginagamit ko? Nakakagalitan ko lang siya kapag hindi ko mahanap ang sinasaliksik ko. Pero hindi naman niya kasalanan kung walang mabuting loob na taong nag-post ng kailangan ko, ‘di ba? Kaya naman hindi ko siya gaanong sinisi para sa aking mga kamalasan.

Lumaon at nahasa na rin ako sa paggamit ng Internet. Lumaon din at pumasok na ang pakikipagkita ko rito sa aking sistema. Natuto akong makipagkita sa kanya sa ibang computer shop, hindi lang doon sa mga malapit sa bahay namin. Nakipagkita na rin ako sa kanya sa mga computer shop na malapit sa paaralan namin. Natuto na rin akong makipagkita sa kanya kahit na wala namang pinasasaliksik na kahit ano sa paaralan. Natuklasan ko ang isang mahalagang aspeto sa kanya na magpasahanggang-ngayon ay dinadalaw at hinahanap-hanap ko—ang mga site ng anime.

Matagal na akong mahilig sa anime. Puwede mo nang sabihing isa ako sa mga CAA (certified anime addicts) hanggang ngayon, pero hindi ako iyong tipong pupunta sa mga tindahang nagbebenta ng mga collectibles at bibilhin lahat ng makita ko. Di mo naman ako mapapagastos ng ganoong kalaki. Pero mahilig akong magbasa ng mga babasahin na tungkol sa mga paborito kong serye ng anime. Dito, naging kaagapay ko ang Internet. Paborito ko noong pagdiskitahan ang mga character biography. Meron ata akong mga limang diskette noon na iyon lang ang laman. Sa pamamagitan ng Internet, inaalam ko ang mga plot summary, chapter summary, movie summary, at kung anu-ano pang mga buod, liban sa ibang bagay. Kinakabisado ko rin dati ang mga kaarawan ng mga paborito kong mga karakter, mga kaarawang kung iisipin ay wala naman talagang basehan.

Alinsabay sa pagkahilig ko sa pagtingin sa mga anime sites ay ang pagkakilala ko sa Yahoo Messenger. Inabot rin ng halos isang taon bago ko naisipang gumawa ng account, sa pangungumbinsi ng isang kaibigan. Hindi ko masyadong bingyan ito ng pansin, at pagkatapos ng kalahating taon ay hindi ko na ito ginamit. Gumawa na lang ako ng bago, pero manyayari iyon sa ikatlong taon pa ng aking pagkakakilala sa Internet.

Ikatlong taon

Mabagal ang pag-usad ng aking kaalaman tungkol sa Internet. Dahil siguro iyon sa wala naman akong ibang inatupag kundi ang magbasa sa mga anime sites at magsaliksik ng mga kailangan para sa mga proyekto ko. Pero humusay na ako sa pagsasaliksik. Alam ko na ang tamang keyword na dapat itayp para makakuha ng kahit papaano’y matinong sagot kahit na parang wala ka talagang makukuha. Dahil wala nga akong sariling computer, pabilisan para bawas-gastos. Pero malakas pa rin akong gumastos sa mga proyekto. Mayroon ako dating pinasang kompilasyon ng mga impormasyon at larawan tungkol kay Rizal. Hindi ko alam kung anong nakain ko at pinaghirapan ko ng todo ang proyektong iyon, pinagandang lubusan kahit sampung porsyento lang ito ng grado namin. Kung susumahin ko ang lahat ng gastos, umabot din ako ng mga P1,500. Tama ang nabasa mo, hindi ka naduduling, at mas lalong hindi kita niloloko.

Liban sa mga gawaing pampaaralan, may natuklasan pa akong isang bagay tungkol sa Internet. Nag-umpisa iyon noong sinabi ng isa kong kaklase, “Alex, gawa ka naman ng friendster mo. Testi ko ah!”

“Anong friendster?” inisip ko. Doon ko lang nalaman na iyon pala ang bagong kinalolokohan ng mga kaklase ko at ng maraming kabataan sa buong Pilipinas. Hindi naman problema sa aking kung nahuhuli ako sa uso, tutal naman ay lagi iyon nanyayari sa akin. Sa dami ng ginagawa ko ay pinagliban ko nang pinagliban ang paggawa ng account. Sa wakas, dumating ang panahong hindi ako gaanong abala at gumawa ako ng sariling account sa friendster. Para dito ay gumawa ako ng bagong email account, na hindi ko na sasabihin dahil marami nang chain letters na dumudumog sa email ko at ayoko nang dagdagan mo pa ito.

Sa kasawiang palad, noong gumawa ako ng account ay tiyempong hindi na gaanong nangangalikot ng friendster ang mga kaklase at kaibigan ko. Minsan-minsa’y nagpadala ako ng testi noong mga panahong iyon, pero di rin nagtagal ay tinamad rin ako dahil wala naman nagbibigay ng testi sa akin. Dahil dito, madalas na ang mga dalawang beses sa isang buwan na pagtingin ko sa aking account. Ang ikalawang bahagi ng ikatlong taon ko ng pakikipagkilala sa Internet ay ang pinakamatamlay, dahil iyon ang mga panahong unti-unti na akong nawawalan ng interes sa pagbabasa ng mga internet summaries, at nabubuwisit ako sa pagkawalang-silbi ng friendster sa buhay ko.

Ikaapat na taon

Isang mahalagang bagay ang nanyari sa akin noong ikaapat na taon ng hayskul, at ikaapat na taon ng pakikipagkilala ko sa Internet. Punong patnugot ako noong ng pahayagan namin sa paaralan, at tulad nga ng sinabi ng tiyo ni Peter noong Spiderman (hindi ko alam kung 1 o 2), “With great power comes great responsibility.” At matindi ang powers ng responsibility. One-man team ako para sa karamihan ng pag-eedit at pag-layout ng diyaryo. Minsan ay ginabi ako sa pagsasaayos ng layout sa bahay ng isang kaklase. Sa lahat pa naman ng ayaw ng tatay ko ay ang ginagabi ako sa bahay ng kaklase. Noon niya napagdesisyunan na ibili ako ng sarili kong computer, na may Internet na!

Sa wakas! O kaligayahan! O kapalarang kay tamis! O ang saya saya! Mas madalas ko na rin makikita ang Internet, at sa mas mura pang halaga! Nasa rurok ako ng kasiyahan, lalo na’t hindi na ako gaanong mahihirapan. Sa mga unang gabi ng aking pakikipagkita sa Internet gamit ang sarili kong computer, naistorbo na rin ang natutulog kong Yahoo Messenger account. Natuto akong mag-chat, at makakilala ng kung sinu-sinong mga alien mula sa ibang bansa. Kasama ko sa pagsawsaw ang isa pang kaibigan, at siyempre, san pa ba kami pupunta? E di sa mga groups na walang ibang pinag-usapan kundi anime, anime, at anime!

Kaso wala naman kaming nakausap na matino doon at mas madalas sa hindi ay mga hindi naman mahilig sa anime kundi mga nakikihalo lang sa mga groups ng mga maka-anime upang maghanap ng mabibiktima, este, makaka-chat. Kaya naman naglibot na lang kami sa iba. Maghapon ako gumamit noong mga panahong iyon, at ang madalas kong puntahan ay ang groups ng mga nanghihingi ng payo. Doon kasi ang mga pinakamatitino at pinakanakaaaliw na mga tao. Nandiyan ang makakilala ako ng mga nanay na namomroblema sa mga anak, ng mga anak na namomroblema sa mga guro, at ng mga guro na namromroblema sa mga magulang na nagrereklamo. Nakakilala rin ako ng isang babaeng may nagbabantang suicidal tendency, liban sa ibang bagay. Marami akong nakilala, pero hindi pa nagdadalawang buwan ay di na ako bumisita sa mga chatroom. Wala na kasi akong matinong makausap, at tinamad na rin ang kaibigan kong sumasama sa akin.

Nahilig din ako sa pag-download ng mga mp3 ng—ano pa nga ba?—anime. Kaya pag tinignan mo ang computer ay 75 % ng makikita mong mga tugtugin ay puro galing sa mga soundtrack ng anime. Isa pang natipuhan kong i-download ay mga larawan na galing sa quizilla, isang site ng mga online quizzes. May mga larawang kalakip ng mga sagot at ito ang dahilan kung bakit ako aabuting ng higit sa 6 na oras ng pakikipagkita sa Internet para sagutan ang mga ito at makuha ang mga larawan. Hulaan mo na lang kung anong uri ng larawan ang kinukuha ko (clue: may mga sampung beses ko nang inuulit ang salitang ito).

Dumating ang panahon na tinamad na akong magdownload ng mga music at larawan dahil una, nasimot ko na lahat ng gusto ko, at pangalawa, wala na akong makitang maganda. Katapusan na noon ng ikaapat na taon ko sa hayskul. Katapusan na rin ng termino ko bilang punong patnugot. Malapit na ang pagtatapos ay hindi ko pa nagagawa ang huling isyu ng pahayagan. Dahil sa imposible na itong ihabol sa opisina, napagpasyahan kong ilagay na lang ang mga artikulo sa isang friendster blog. Nagkaroon na rin sa wakas ng saysay ang friendster sa buhay ko. Buong bakasyon bago ako pumasok sa kolehiyo, isa ito sa mga pangunahin kong inatupag—ang pag-update, pagdagdag ng mga friends, at pag-post ng mga artikulo araw-araw. Pero di rin naglaon ay tinigil ko rin ang pag-post ng mga artikulo sa blog. Huwag mo nang itanong kung bakit dahil sa tingin ko ay hindi na kasali ang usaping iyon sa puntong gusto kong ipahayag. Hindi ko pa handang pag-usapan kung bakit hindi ko na pinagpatuloy ang pinangako kong blog. Nawa’y makontento ka na sa paliwanag na iyon.

Ikalimang taon

Kolehiyo. UP. Pagbabago. Alam kong inaabot ako ng siyam-siyam sa paggawa ng layout ng pahayagan at ng mga artikulong obligasyon ko pero hindi naman ako umaabot ng alas singko ng umaga sa paggawa. Iyan ang naranasan ko sa una kong semestre sa UP, dahil sa English 10 o College English. Dito ko natutunang hindi lang Copy-Paste ang ginagawa sa mga research papers at ang art of documentation. Dito lang ako nakaranas ng inuumaga sa harapan ng computer. Dito ko natanto kung gaano ako kaswerte sa pagkakaroon ng sariling magagamit, at sariling access sa Internet. Lalo akong natutong umasa sa Internet at pakiramdam ko, ito ang mga panahong masasabi kong hindi ako mabubuhay nang walang Internet. Extension baga ng pagkatao ko.

Kaya naman malaking kawalan sa akin noong sa di malamang dahilan noong bandang katapusan ng ikalawang semestre ay nag-umpisang magloko ang modem ko, na siyang tanging ugnayang puwede kong gamitin upang makipagkita sa Internet. Pinilit kong ayusin, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nagtatagumpay. Maraming nabago sa pang-araw-araw kong gawain, at pati na rin sa diskarte ko sa paggawa ng mga research papers. Kung susumahin sa isang salita ang dinaranas ko ngayon na wala akong Internet, ang masasabi ko’y…

Pahirapan.

Balik na naman sa dati. Computer shop na naman ang takbuhan ko. Pero mayroon din namang mga pagbabago. May bago na akong kinagigiliwan ngayon. Kalimutan na ang friendster at mga chatrooms! Bumalik ako sa orihinal kong aliwan, ang anime. Naging kalapit ko ang Youtube, lalo na noong pinapalabas na ang Naruto Shippuden, ang bagong serye ng isa sa mga pinakaaabangan kong anime. Pero noong na-ban ang Shippuden sa Youtube, unti-unti na rin akong nawalan ng interes sa Youtube. Sa ngayon ay mahilig pa rin ako sa Naruto, at nakikipagkita ako sa Internet upang pag-usapang ang lahat ng maaari kong malaman tungkol sa Naruto. Kinahuhumalingan ko ngayon ang pag-download ng manga (komiks ng mga Hapon) at pagbabasa sa leafninja.com, isa sa mga pinakadetalyadong na site ng Naruto na alam ko.

*********

Naging saksi ang Internet sa maraming aspeto ng pagkatao ko. Naging bahagi siya ng tagumpay ko noong hayskul, ng pagsisikap ko ngayong kolehiyo, ng paghahanap ko ng libangan at mapaglalabasan ng tinitimping sama ng loob, at ng paghabol ko sa mga deadline at matatayog na pangarap. Matagal-tagal ko pa siyang makakarelasyon, at sa tingin ko ay baka panghabambuhay na. Marami pa akong hindi nakikita sa kanya, at marami pa siyang hindi nakikita sa akin. Hindi ko pa nakikilala ang Multiply, Tickle, at Limewire. Kaya naman sa palagay ko ay matagal-tagal pa ang aking pakikipagkilala ko sa kanya. Bagaman halos lahat na ata ng aspeto ng buhay ko ay nakakabit sa Internet, sinisigurado ko pa ring di ko nalilimutan ang mga libro, magasin, pahayagan, programang panradyo at pantelebisyon. Mula pagkabata ko pa lang ay sila na ang mga unang takbuhan ko para sa mga takdang aralin at proyekto, sa mga impormasyong makatutulong sa pag-unlad ng aking kamalayan. Dagdag ang Internet, hindi kapalit. Kaya lang parang puro Internet ang bukambibig ko ay dahil tungkol sa kanya ang sanaysay na ito. Kung gusto mo, gagawa pa ako ng mga sanaysay para sa mga libro, magasin, pahayagan, programang panradyo at pantelebisyon; sandali lang a, magninilay muna ako. Anupaman, sa harap ng matinding pagbabago, alam kong ang mga kaibigan kong ito ang tutulong sa akin habang tinatahak ko ang daan tungo sa kinabukasan.

No comments: