introduksyon

1 tasa kinaskas na yelo 2 tbsp minatamis na saging 1 tbsp pinipig 1 tbsp ube 3 tbsp sago (kulay pula) 3 tbsp gulaman (kulay green) 1 tbsp monggo 2 tbsp sweet beans 2 tbsp nata de coco 1 tbsp minatamis na langka 2 tbsp asukal 1 scoop ube ice cream 3 tbsp gatas *maaring lagyan ng leche flan sa ibabaw halo-halong emosyon. halo-halong karanasan. iba-ibang tao. iba-ibang pagkatao. malamig. masarap. nakakangilo. ganyan kami. labo-labo. halo-halo. mura lang. bilhin n'yo. alex. angel. jau. josh. suzette. lahat tao. para sa tao, panitikan at lipunan. kay ser mykel. tao rin. labo-labo. halo-halo. tikman n'yo.

Wednesday, May 16, 2007

MaG-ekSperImenTo, paGlaRuan Ang PaNlasA

Heto ang mga akdang ginamitan ng samut-saring porma at istilo, hinango mula sa aming mga karanasan at hinubog ng aming mga malilikot na isipan. Maghanda at magulantang pagkat baka mahimatay sa iyong makikita. Ito ang makabagong uri ng paglalahad, eksperimental na anyo ng pagkukuwento. O, hala, mabibilaukan ka na ata. Sarap no? Sarap talagang maghalo-halo. Ito ang halo-halo naming mga kakaibang stilo... Iba't ibang flavor ng pagkukwento. Uy, titikman na niya....

panlasa

PALENG.K.E.

ni Aja Gulto

Motorowla ViTri. Pich-Menggo Pay. Hat & Spaysi Pringgels. Webster’s Diksyonari. Everedi bateri. Transend flash drayv. Viktori kwiz pad. Helow Kiten pilow. Asahi desk fan. TriDi siling fan. Tomeyto rist watch. ElJi BiTwentiWanHandred. Asul na pamusod (c/o batang lalaking nagtitinda sa UP Lagoon). Steypler. Yeso. Max steypol wayrs. Katleya yelow pad. Deytaeys disket. Fibrela ambrela. Hawsing ng selfown. Kartolina. Feyber-Kasel waterkolor pensil. Rivs peyntbrash. Bolpen. Lapis. Pambura. Palda (c/o ukay-ukay). Havana slipers. Niveya lowshon. Milku anderarm & fut pawder. Hanger. Alarm klak. Bahay ni kuya. Sinturon. Nokiya FiftiWanTen. Twalya. Alkansya. Laptap. Singsing. Hikaw. Kwintas. Panti. Bra. Bag. Unan. Kumot. Hanabishi otomatik ayorn. Raber shus. Upuan. Manika. Basurahan. Kurtina. Kalendaryo. Ruler. Istadi teybol. Ridings na sandamakmak. Libro. Pensil keys. Kalkyuleytor. Paket buks. Glu at peyst. Tsarjer. Tutbrash. Klows-ap tutpeyst. Pantin shampu. SkinWayt lowshon. PiEych Keyr feminin wash. Pand’s feyshal krim & wash. Viktorya’s Sikret perfyum. Paking teyp. Litrato. Tayprayting. Aliw. Namfrel. Komelek. Pulitiko. Boto. Ikaw?
eksperimento

Joshua Lorraine Soriano

bagong inobasyon

Suzette Dagli
subukan

Wall Vandalism , shows different thoughts and reflects different personalities. Junicynth Paula "Jau" Agon

kabataan

FOURTH PERIODICAL EXAM IN GMRC 6

ni Alexandra Gabrielle Francisco

INSTRUKSYON: Sa pagsagot ng tanong, siguraduhing malinaw ang pagkakasulat ng mga sagot na ibibigay. Nasa ika-anim na baitang ka na kaya dapat lamang na ang simpleng alituntuning ito ay masunod mo. Itim na bolpen lamang ang maaaring gamitin; bawal ang pula, asul, berde, at mas lalong bawal ang multi-colored rainbow at pink! Cursive handwriting dapat ang pagkakasulat ng mga sagot. Basahin muna ang buong eksamin bago sagutan. Ang mga hindi susunod sa mga alituntuning ito ay makakakuha ng deduction sa iskor.

I. Enumeration.

1-14. Mga paraan sa paggawa ng pataba

II. Multiple Choice: Bilugan ang letrang tumutukoy sa tamang sagot.

1. Anong bahagi ng embryo ang unang nabubuo?

a. puso

b. utak

c. parehong a at b

d. walang tiyak na kasagutan

2. Ano ang tamang salin sa wikang Ingles ng pariralang “minumultong bahay”?

a. haunted House

b. haunting house

c. hunting house

d. parehong c at d

III. Tama o Mali. Isulat ang T kung tama ang pahayag, at isulat naman ang M kung mali ang

pahayag.

1. Sa asignaturang English, isa sa mga ipinagagawa sa mag-aaral ay ang writing composition o sulatin, na madalas ay ipinasusulat sa isang workbuk na bibilin sa umpisa ng taon.

2. Mas madalas sa hindi, wala pang dalawang talata ang naisusulat ng karamihan sa mga mag-aaral.

3. Kung ikaw ang magwawasto ng mga sulatin, mas madalas sa hindi ay masusuklam ka sa mga pinagsususulat ng mga mag-aaral, liban sa ilang kahit papaano ay may natutunan sa asignatura.

4. Kung ikaw ang magwawasto ng mga sulatin, mas lalo kang mauubusan ng pasensya kapag napansin mo na mas mauunawaan mo pa ang mga sulatin nila kung ipinasulat na lang nila ang mga ito sa manok.

5. Tanging ang guro lamang sa English ang may karapatan at tungkulin na iwasto ang mga sulatin ng mga mag-aaral.

IV. Essay.

Kapag tinawag ka ng guro mo na tanga, ano ang dapat mong gawin?

PAALALA: Sa exam na ito, bawal mag-English, mag-Taglish o mag-Espanyol. Bawal ang scratch paper dahil wala namang paggagamitan. Ipasa ang papel pagkatapos mag-exam at huwag iuuwi sa bahay para doon sagutan. Tandaan na hindi ito ang iyong huling eksamin para sa linggong ito at kailangan mo pang mag-aral para sa iba. Higit sa lahat ay huwag na huwag na HUWAG mong babasahin ang answer key sa likod ng eksamin na ito. Maari mo nang simulan ang pagsagot.

Tagubilin sa tigawasto: GALIT AKO SA MGA GRADESCHOOL TEACHERS. Okei, hindi naman siguro sa lahat ng guro sa mababang paaralan. Doon lang sa ilang mga guro ko noong ako ang nasa gradeschool. O sige na nga! Hindi naman siguro galit, irritated lang. Kinukonsensya ako; ang sabi pa naman sa akin ng mga magulang ko ay bawal magtanim ng sama ng loob sa kapwa. Bakit ganoon katindi ang aking siphayo? Puwes, ipagpatuloy mo ang pagbabasa ng answer key na ito at tandaang pulang bolpen lamang ang maaaring gamitin tuwing magwawasto ng eksamin.

I. Enumeration.

1-14

¨ Pumili ng maaliwalas subalit malilim na paglalagyan ng gagawing pataba.

¨ Tanggalin ang mahahabang damo.

¨ Humukay ng kanal sa paligid ng gagawing pinaka “kama” o patungan ng ginagawa.

¨ Sa unang hanay sa ibabaw ng “kamang” lupa, isalansan ang tinaggal na talahib, mahabang damo at dahong tinanggal sa puno. Dagdagan pa ito ng iba pang mga damo na makukuha sa paligid sa taas na anim hanggang walong pulgada.

¨ Patungan ang kama ng pinutol na dahon ng saging at harangan ang gilid ng kama. Ipunin ang mga basurang nabubulok.

¨ Diligan upang mapabilis ang pagbulok nito.

¨ Ipunin ang dumi ng hayop at ipatong sa ibabaw ng salansan.

¨ Takpan ng lupa mula sa pinagsigaan ng dumi ng hayop. Gawing 6 na pulgada ang taas ng patong sa lupa.

¨ Diligang mabuti.

¨ Salansanan ng damo ang ikatlong patong. Diligan uli.

¨ Pagsalit-salitin ang pagsasalansan ng dumi ng hayop at lupa, gayundin ang damo hanggang umabot ng isa’t kalahating metro.

¨ Takpan ng makapal na plastik o bubungan ng dahong niyog o cogon.

¨ Suksukan ng 2 o 3 kawayang bumbong ang ginagawang pataba.

¨ Diligan palagi.

Maaaring ibilang na tama ang sagot ng mag-aaral kahit na hindi sa mga saktong katagang nakasulat ang kanyang sagot, basta’t ang konsepto ng bawat aytem ay naroroon. Kailangang nasa tamang pagkakasunod-sunod ang mga sagot at maayos ang pagkakasulat. Kung hindi ay maaaring malian.

Habang sinusuri mo ang bawat titik ng mga sagot ng iyong mga estudyante, pagmuni-munihan mo na rin kung gaanong kalaking kalokohan ang bahaging ito ng eksamin. Isipin kung sa likod ba ng namamayaning katahimikan kanina sa klasrum ay walang nagmumura sa kalooban niya at sinasabing “ ‘Tang ina, san ko naman gagamitim ‘tong kalokohang ito?” Isipin kung makatarungan nga bang ipasaulo ang lahat ng mga bahaging maaaring ipa-enumerate, at pagkatapos ay isa o dalawa lang naman ang ipapatanong. Isipin kung may saysay ba ang kabisaduhin ang pagkakasunod-sunod ng mga paraan sa paggawa ng pataba at kung anu-ano pang pagkakasunod-sunod, kung hindi mo naman isasagawa ang mga hakbang na ito sa iyong buhay. Isipin kung may nauunawaan ba talaga ang mag-aaral sa kanyang kinakabisado, o kung memory enhancement lang ang makukuha niya dito.

Pero hindi ko iniisip ang mga bagay na ito noong nasa gradeschool ako. Basta tamad ako magkabisado at kailangan kong mapanood ang eipsode ng Hunter X Hunter na ipinalalabas noong mga panahong iyon. Ang alam ko lang, mas madalas sa hindi ay hindi ko sinasagutan ang bahaging iyon ng eksam, at mas madalas din sa hindi ay mahigit sa sampung puntos ang nawawala sa akin kapag nangyayari iyon. Hindi naman ako bumabagsak kaya ayos lang.

II. Multiple choice

1. Tiyak ay sa bahaging ito ay hindi mo rin nasisigurado ang kasagutan sa tanong. Maaaring makakita ng bilog sa kahit aling letra, depende sa tatamaan ng bolpen ng mga mag-aaral sa panghuhula. Pero ang tamang sagot ay ang letrang D. Huwag mo nang itanong kung bakit. Hindi ko rin alam, kasi hindi rin malinaw ang pagkakapaliwanag sa akin noon. Ikatha sa isipan ang eksenang ito. Umaga. Klase sa Science para sa mga mag-aaral ng ikalimang baitang. Noong araw na iyon ay dumating ang DECS supervisor na nagmamasid sa aming paaralan, at napagpasiyahan niyang panoorin ang guro namin sa Science habang siya ay nagtuturo sa amin. Siyempre, todo-handa si Ma’am Science. Nagpadrowing pa ata ng dayagram ng Life Cycle of a Human Embryo (iyon ang nakasulat sa gawing itaas ng manila paper) sa isang mag-aaral na magaling gumuhit. Umpisa ng klase, pa-Ingles-Ingles pa si Ma’m. Pa-impress nga. Hindi mo naman masisisi dahil ebalwasyon ng DECS ang nakataya, pati na rin ang reputasyon niya bilang guro. Okey na sana, hanggang…

“Questions?”

At may magtataas ng kamay. Ako.

“Ma’m…”

“Yes, Dina. What is your question?”

Siyempre, kung ang guro ko nagpapa-impress, ako rin.

“Ma’m, which part of the embryo is developed first? The brain or the heart?”

Medyo matagal-tagal ding katahimikan. Iyan ang sumunod sa aking tanong. Para hindi mapahiya, sumagot naman ang guro ko. Hindi ko naintindihan. Pakiramdam ko rin, walang tao sa klasrum na iyon ang nakaintindi sa sinabi niya. Nakatayo pa rin ako at manaka-nakang sumusulyap sa likod ko, sa supervisor ng DECS. Ang tagal sumagot ng guro ko, paikot-ikot at nakakainip. Sa wakas, natapos din siya, pero kahit noong katapusan ng klase ay hindi ko pa rin alam ang sagot sa tanong ko. Pagkatapos ng klase namin sa Science ay Recess, kaya nagmamadaling tumakbo ang mga mag-aaral. Halos kasabay ko lang lumabas ang guro ko sa Science. Tahimk kaming lumabas—ako papuntang kantin, siya papuntang faculty room.

Kinabukasan, manonood na naman ang DECS supervisor. Paborito yatang pagdiskitahan ang paaralan namin. At sa klase pa namin ulit nanood. Bago mag-umpisa ang klase ay kinausap ako ng gurong oobserbahan.

“Dina.”

“Bakit po?”

“Wag kang magtatanong sa klase ko mamaya, ha? Wag kang magtatanong ng kakaiba, ha?”

Mula noon ay naging pamoso na ang pangalan ko sa pagtatanong ng mga tanong na mahirap sagutin. Pero sa totoo lang, hindi naman ako laging nagtatanong. Paminsan-minsan lang, at hindi rin lahat ng mga tanong ko ay mahirap sagutin. Noong ikunuwento ko ito sa aking ama, matagal-tagal din nilang pinalaki ang ulo ko (nang hindi naman siguro sinasadya) sa pagsasabing matalino ako at naiisip ko ang mga ganoong tanong. Ako naman, dahil paslit pa ay masaya naman sa mga natatanggap na papuri. Hindi ko sineseryoso ang mga bagay na ito, dahil abala ako sa pag-iisip ng mga bagong tanong at ng mangyayari sa susunod na kabanata ng Cardcaptor Sakura na ipinalalabas noong mga panahong iyon. Wala namang gurong nagalit sa akin kaya ayos lang.

Oo nga pala, hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung puso ba o utak ang nauuna sa pag-develop ng embryo.

2. Ayan, sigurado dito maraming magkakapare-pareho. Tiyak na halos lahat ng mga estudyante ay magsasagot ng letrang A. Oo nga naman, iba naman ang bahay na nagmumulto (haunting house) sa bahay na nangangaso (hunting house) sa bahay na minumulto (haunted house). Letrang A nga ba ang sagot? ENGK! Mali! Mali, mali, mali! Ang tamang sagot ay letrang D, maaaring haunting o hunting house. Oo, iyon ang salin sa ingles ng pariralang “minumultong bahay”! Ayaw mong maniwala? Puwes, mag-away kayo ng guro ko sa English!

Magkatha ulit ng isang eksena sa iyong isipan gamit ang paglalarawang ito. Umaga ulit, pero sa klase naman ng English, at ang mga bata ay nasa ikatlong baitang. Noong araw na iyon ay nagsagot at nagwasto kami ng isang maigsing seatwork. Pagdating sa ikaapat na aytem sa pagwawasto namin (ugali na sa paaralan namin na kapag sa mga maiigsing eksamin ay maaaring kami na mismo ang magwasto ng mga papel namin) ay nagtaas ako ng kamay.

“Ma’m…”

“Yes, Dina?”

Tayo naman ako. Lumapit pa sa desk ng titser.

“Ma’m, tama po ba ito? Haunting house talaga ang sagot?”

Itinuro ko naman ang ikaapat na aytem, na kung saan binilugan ng kaklase ko ang numero at isinulat ang tamang sagot sa gawing kanan nito. Hindi ko talaga matanggap. Haunting house. Kaya naman di ko rin napigilang tumayo. Nagpatuloy ang guro ko.

“O why, is there a problem with it?”

“Yes, Ma’m. There’s no such thing as a haunting house. Shouldn’t it be a haunted house?”

Natahimik na naman ang klase. Siguro di na rin nakatiis ang guro ko.

“No, the correct answer is haunting house. Take your seat.”

At dahil ako ang estudyante at siya ang guro, sumunod naman ako. Pero hindi talaga matinag ang paninindigan ko. Hindi puwede.

There’s no such thing as a haunting house!

Kaya naman naghanap ako ng isang pangungusap sa aklat namin na naglalaman ng pariralang “haunted house”. May misyon ako noon. Patunayang hindi ako nagkamali at haunted house talaga ang sagot! Conceptually incorrect ang haunting house, isang nagmumulto na bahay? Puwede ba?

At nakakita ako. Success! Kaya naman sa kalagitnaan ng pagkuha ng mga iskor ng mag-aaral, humagibis ako patungo sa desk ng titser.

“Ma’m! This is it! It’s supposed to be a haunted house.”

Alangang magagalit na mang-aalaska ang guro ko. Halatang naiinis na sa akin habang tinuturo ko ang pangungusap sa libro. Nakatingin siya at waring masusing binabasa, kahit isang parirala lang naman ang itinuro ko. Halatang nag-iisip. Kung nag-iisip ba siya ng lusot o kung pilit niyang pinatatanggap sa sarili niya na tama ako ay hindi ko alam. Ilang sandali rin iyon. Binalik din naman niya ang libro at tumingin sa mga kaklase ko.

“Class, what is the correct answer?”

Mahina ang sagot nila, malabo at hindi sabay-sabay. Hindi ko nga naintindihan agad, hanggang sa siguro’y nahikayat na rin ang iba dahil mas marami ang nagsasabing…

“Hunting house.”

“Ayan, narinig mo na? Iyon ang sagot.”

Natahimik ako, umupo at nakinig na lamang sa sumunod na patatalakay. Pag-uwi ko sa bahay ay ikinuwento ko ang mga pangyayari sa aking ama, at natuwa siya dahil napatunayan ko na naman na hindi ako basta-bastang estudyante. Siyempre, dahil paslit ay tuwang-tuwa rin ako. Kung iniisip mong napag-initan ako kinabukasan ay hindi naman ganoon ang nangyari. Ang insidenteng ito ay hindi na ulit nabanggit sa aming paaralan. Iyon nga lamang ay kabaligtaran ang nangyari sa bahay namin. Kumalat ang usaping ito sa aking ibang kamag-anak, at mula noon ay binansagan ang guro ko sa English na “Hunting-house”.

Dahil sa musmos pa lang ako noon at wala pang siyam na taon ay hindi ko talaga isinapuso ang mga bagay na ito. Naisip ko, pero hindi ko pinanindigan na napakalaking kalokohan na tanggapin ang existence ng isang nagmumulto at nangangasong bahay. Abala ako noon sa pagsusulat ng mga maiikling tula at kuwento at sa pag-aabang sa Ghostfighter na ipinalalabas noong mga panahong iyon. Sabi sa akin ng mga magulang ko, hindi ko na kawalan ang pagkakamali ng guro ko dahil alam ko naman ang tama. Oo nga naman, at saka sa isip ko noon, baka nalito lang siya, kaya ayos lang.

III. Tama o Mali

1. T. Uso ito sa mga pribadong paaralan.

2. T. Isa itong masaklap na katotohanang dapat mong tanggapin bilang mga Pilipino. Maaaring hindi totoo para sa ibang paaralan.

3. T. Isa pang masakit na katotohang dapat mong tanggapin. Maaari ring hindi totoo para sa ibang paaralan.

4. T. Masakit na pagkabigong dapat tanggapin ng mga gurong nagpapasulat ng paulit-ulit ng tig-iisang letra ng alpabetong Filipino. Hindi totoo para sa ibang mag-aaral ng aming paaralan.

5. M. Oo, maling isiping guro ng English ang tanging puwedeng magwasto ng mga sulatin namin noon. Noong nasa ikaapat na baitang ako, AKO ang nagwawasto ng mga sulatin namin. Tama ang nabasa mo. AKO. Isang mag-aaral na nasa ika-apat na baitang ang nagwawasto ng mga sulatin ng mga kapwa niya estudyante sa ika-apat na baitang. Ngayon ay muli kang magmuni-muni. Tama ba na pagtsekin ang isang estudyante sa Grade Four ng mga sanaysay at iba pang uri ng akda? Paano masisigurong tama ang pagwawasto ng mag-aaral na iyon? Hindi ba dapat guro ang siyang nagwawasto ng ganoong mga bagay, dahil siya dapat ang may sapat na pinag-aralan, at ang dapat na sumusubaybay sa pag-unlad ng kanyang mga tinuturuan? Hindi ba dapat ay ilaan ng mag-aaral ang oras niya sa iba pa niyang mga obligasyon, imbes na gawin ang trabahong hindi naman sa kanya?

Pero siyempre, dahil bata pa nga ako noon ay wala pa akong muwang sa mga kawalang-katarungan na nangyayari sa akin. Abala ako sa pagwawasto ng mga sanaysay, pagsusulat ng mga sarili kong sanaysay, at pagsubaybay sa Fushigi Yuugi na ipinalalabas noong mga panahong iyon. Hindi naman kasi naapektuhan ang pag-aaral ko kahit medyo nadadagdagan ang trabaho, kaya ayos lang.

IV. Essay.

Sa bahaging ito ay malayang makapagpapahayag ng saloobin ang mag-aaral. Huwag ipinid ang mga pintuan ng kanyang isipan. Hayaang sabihin ng mag-aaral kung ano ang tama at maling nakikita niyang ginagawa sa paligid niya, basta’t hindi siya gumagawa o nagsasabi ng kabuktutan.

Ika-anim na baitang. Klase namin as Mathematics. May ipinaliwanag ang guro, pagkatapos ay nagbanggit ng pahina na aming sasagutan. Nasa gitna ako noon ng kaligayahan—kakukuha ko lang ng mataas na marka sa isang eksamin noong nakaraang klase. Kaya naman hindi ko napakinggang mabuti ang sinasabi ng guro ko. Noong matapos siyang magpaliwanag ay nagsimula agad, kaya hindi na ako nakapagtanong pa. Pagkatapos ng pagsagot ay nagpalitan na ng mga papel para iwasto. Pagtingin ko sa papel ng tsetsekan ko ay natanto kong iba ang pahinang nasagutan ko. Nagtaas ako ng kamay at nagtanong kung maaaring ibilang na tama ang mga sagot na tama naman ang pagkakasagot, kahit na mali ang pahinang nasagutan. Nag-umpisang sumama ang timpla ng guro at sinabing hindi puwede. Kinulit ko. Kinulit ko nang kinulit. Dahil doon ay nagalit ang guro at sinabing, “Anong hindi mo naintindihan? Hindi ka ba nakikinig sa paliwanag ko? Ang sabi ko, ito ang sasagutan, bakit ito ang sinagutan mo? Hindi ka kasi nakikinig! Ang sabi ko…”

Nakayuko ako habang pinapagalitan, pinapahiya sa buong klase. Sumisilip ako sa mga kaklase ko, lahat sila tahimik. Napatingin ako sa labas. May ilang usiserong nakikinig, pero biglang umaalis. Siguro masama talaga ang tingin ng guro ko noong mga panahong iyon. Hindi ako makatitig sa mga mata niya. Ni hindi ko maiangat ang mukha ko. Hindi ko alam kung dahil ba sa takot, pagkalito, o kahihiyan.

“Kung saan-saan kasi lumilipad ang isip mo! Hindi ka tuloy nakikinig!”

Mas mainam pa kung binato na lang niya ako ng eraser o kahit walis tambo. Sa haba ng hagupit niya ay hindi ko na matandaan ang lahat ng sinabi niya, pero tandang-tanda ko ang damdamin ko noong mga panahong iyon. Lalo na noong binitawan niya ang salitang iyon.

“Tanga!”

‘Tang ina. ‘Tang ina talaga. Hindi ko maipaliwanag sa isang mas kalugod-lugod na salita. Nakayuko ako, oo, pero hindi ako umiiyak. Noong sinabi niya ang salitang iyon, lahat ng emosyon ko nagbuklod at naging iisang emosyon—galit. Napakatinding galit. Hindi ako mahilig magmura at kinokonsensya ako nito pero sa isip ko minumura ko siya. “Sino ka para tawagin akong tanga?” inisip ko. Nagkuyom ako ng kamao, parang may hawak na patalim. Natatandaan ko iyon. Iniisip kong may taglay akong kapangyarihan sa lupa, at kaya kong biyakin ang sahig at lamunin ang lahat ng mga bagay na naroon, kasali ang gurong iyon. Pero hanggang isip na lang ang mga bagay na iyon. Hindi ako makalaban habang minamaliit niya ang pagkatao ko. Habang pinaninindigan niya na siya ang nakatatanda, siya ang may mas mataas na pinag-aralan, at siya ang nasa harapan.

Siya kasi ang guro. Kaya hindi ako makasagot sa kanya.

Maya-maya’y nag-ring na ang bell. Tanghalian na. Siguro napansin na rin niyang marami na sa amin ang di na makapaghintay na kumaripas ng takbo papuntang kantin.

“Sa susunod, makinig kang mabuti kapag nagpapaliwanag ako, ha?”

Noon lang ako napahiya nang ganoon. Sa unang pagkakataon ay tinawag akong walang alam. At wala akong nagawa kundi tumango.

“Opo.”

Hanggang paglabas ko ay nakayuko pa rin ako, kahit na nakapasok na ng faculty room ang guro ko, at kahit masakit na ang leeg ko sa pagkakayuko.

No comments: